Trak gumulong sa bangin, 7 patay

LA TRINIDAD,Benguet – Pitong katao ang namatay, at tatlo naman ang kasalukuyang ginagamot sa ospital, matapos mahulog sa bangin ang kanilang sinasakyang elf truck sa bayan ng Aguinaldo, Ifugao, noong Miyerkules, Hulyo 24, 2019 ayon sa ulat ng Police Regional Office-Cordillera.

Nabatid kay Police Regional Information officer Carol Lacuata na ang mga biktima na pawang magkakamag-anak ay dadalo sa libing ng namatay na ka-pamilya sa Ubao Village sa karatigbayan ng Alfonso Lista, nang maganap ang aksidente dakong alas 8:30 ng umaga sa may Sitio Montanop ng Barangay Chalalo, Aguinaldo, Ifugao.

Nawalan umano ng kontrol ang sasakyang may plakang WCU 945 na minamaneho ni Joey Tambiag, habang pababa ito sa bulubunduking kalsada, na tumagilid at nagpagulonggulong pababa sa may 10 metrong lalim ng bangin.

Kinilala ng Aguinaldo Municipal Police Station ang mga namatay on the spot na sina Joey Tambiag, 40, drayber at asawa nitong si Divina, 36; Whilma Chumatog, 18; Josephine Uhuban; Ricky “Ngettet” Chog-ap; at Rosita Paynohon, 68 na pawang mga residente ng Barangay Majlong, Aguinaldo. Si Vicente Buyag-ao, 58, ay namatay habang ginagamot sa hospital.

Kasalukyang ginagamot sa ospital ang mga nakaligtas sa trahedya na sina Artist Paynohon, 39; Kimberly Joy “Joyjoy” Tambiag, 7; at Fernando Bahiwag.

Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon