Tuloy ang laban sa kriminalidad at droga – Gen. Nana

CAMP DANGWA, LA TRINIDAD, BENGUET – “Hangga’t may drug affected barangays, hanga’t may nagtatanim ng marijuana sa kabundukan, mga criminal sa ating nasasakupan, ay hindi tayo dapat tumigil. Itutuloy natin ang laban sa kriminalidad at illegal na droga.”
Ito ang maigting na mensahe ng bagong officer in charge Chief Supt. Rolando Nana ng Police Regional Office-Cordillera.
Aniya, mahigpit na papaigitingin ang pagpapatupad ng intelligence police operation at nanawagan ito sa kanyang mga unit commanders at staffs na magtulungan at makibahagi sa programa ng Team PNP.
Si General Nana, na tubong Mapandan, Pangasinan, pero lumaki at nag-aral sa Baguio City, bago ito nakapasok at nakapagtapos noong 1985 sa Philippine Military Academy, ay nagsimula ang kanyang police career sa lalawigan ng Abra at pagiging provincial director ng Apayao PPO noong 2007 hanggang 2009.
“Nagpapasalamat akong makabalik at makapagsilbi muli sa Cordillera. Marahil may kadahilanan ang aking pagbabalik, dahil hindi ko na ito inaasahan. Ibubuhos ko ang lahat ng aking makakaya para mapagtagumpayan ang mga hamon, ang mapanatili ang peace and order dito sa ating rehiyon.”
Sa simpleng turn over ceremony na ginanap sa Camp Bado Dangwa noong Hunyo 4, na sinaksihan ni CIDG Chief, Police Director Roel Obusan, pinalitan ni General Nana si Chief Supt. Edward Carranza, na itinalaga namang regional director ng PRO4.
Mahigpit na ipapatupad ni General Nana ang internal cleansing program, upang matiyak na karapat-dapat ang isang pulis sa kanyang serbisyo para sa mamamayan.
Aniya, ang bagong pamunuan ng PNP ay nagtalaga ng mga oversight committee sa bawat rehiyon na siyang tutok sa mga tiwaling pulis.
“Mahalin natin ang ating mga ‘tsapa’, dapat tama ang ating gagawin. Magsimula sa tamang bihis, tamang gupit, tamang pag-uugali, at higit sa lahat tamang serbisyo sa lahat nang oras,” wika pa ng heneral.
Nanawagan din siya sa kanyang mga tauhan na iangat ang imahe ng kapulisan, palakasin ang pakikipag-ugnayan sa mga opisyal, government, non-government at people’s organization at iba pang sector ng lipunan, dahil sila ang mga katuwang sa pagsagupa sa mga suliranin sa rehiyon. ZALDY COMANDA / ABN

Amianan Balita Ngayon