16k trabaho handog sa Baguio Labor Day job fair

LUNGSOD NG BAGUIO – May kabuuang 15,784 trabaho para sa local at overseas employment ang maaaring makuha ng mga naghahanap ng trabaho sa idaraos na Labor Day job at business fair sa lungsod, ito ang sinabi ng Department of Labor and Employment sa Cordillera Administrative Region (DOLE-CAR) noong nakaraang Miyerkoles.
May 1,635 na lokal na trabaho ang alok ng mga lokal na employers. Kabilang dito ang customer service representatives, Philippine Economic Zone Authority (PEZA) manufacturers, English as Second Language teachers, sales associates, skilled workers sa construction, food and beverage staff, bookkeepers, application developers, at iba pa.
Para naman sa overseas employment ay may 14,149 ang nakahandang trabaho sa mga nurses, technicians, at factory workers.
Isasagawa ang nasabing job fair sa Baguio City National High School grounds. Isang pre-registration ang isinagawa mula Abril 25 hanggang 27 para mabigyan ng pagkakataon ang mga naghahanap ng trabaho na mabawasan ang oras ng mga pagtatanong sa oras mismo ng job fair.
Sinabi ni DOLE-CAR Regional Director Exequiel Ronie Guzman na layon ng job fair na pabilisin ang pagkikita ng mga naghahanap ng trabaho at mga employer at recruitment agency upang mabawasan ang gastos, oras at pagod lalo na sa mga aplikante.
Regular na ginagawa ito sa pakikipagtulungan sa mga local government unit, iba’t-ibang attached agency ng DOLE, mga service provider at iba pa.
“Our employers are not just looking for skilled workers but also those persons who have the willingness to learn and contribute to the company. The applicant’s attitude towards work is a necessary factor in getting hired,” ani Guzman.
Maliban sa mga trabaho, ay itatampok din sa aktibidad ang isang livelihood component na magiging option ng mga hindi mapalad na makakita ng akmang trabaho para sa kanila.
Magtatatag din ang Department of Trade and Industry ng isang Negosyo Center sa lugar na magbibigay ng business counseling at business forum para sa nagbabalak magnegosyo.
Gayundin ay tutulong ang Technical Education and Skills Development Authorrity (TESDA) sa mga nangangailangan paghusayin ang kanilang kakayahan para mai-angkop sa kinakailangan ng mga handog na trabaho o para sa mga nagnanais magkaroon ng mga bagong kakayahan.
 
PNA/PMCJr/ABN

Amianan Balita Ngayon