2 transporter ng lumber, nasakote

LA TRINIDAD, Benguet – Dalawang transporter ng iligal na lumber na lulan ng jeppney ang nasakote ng mga alertong pulisya sa Tabuk City,Kalinga, samantalang mga iligal na pinutol na Benguet Pine lumber ang nadiskubre sa watershed ng Bauko,Mt. Province, ayon sa ulat ng Police Regional Office-Cordillera.
Kinilala ni Police BGen R’win Pagkalinawan,regional director, ang dalawang transporter na sina Marnel Limmong Cawilan,28 at Gilbert Moga Banawa, 39, kapuwa farmer ng Pinukpuk,Kalinga.
Ayon sa report ng SWAT personnel ng Tabuk City Police Office, medaling araw ng mamataan nila ang isang jeep na mabilis ang takbo na sinusundan ng isa pang sasakyan na Delica van sa may Purok 5, Tabuk City, kaya’t agad nila itong hinabol.
Nang maabutan ay nakita nila sa loob ng jeep ang mga protruding lumber na tinakpan ng tolda. Walang maipakitang dokumento ang mga suspek sa pagbibiyahe ng mga nasabing lumber at ang mga ito ay kakasuhan ng paglabag sa Presidential Decree 705.
Tumambad naman sa mga nag-respondeng tauhan ng DENR at Bauko Municipal Police Station, Mt.Province ang mga sariwang lumber ng Benguet Pine tree, na inabandona ng mga illegal loggers sa may watershed ng Sitio Putac, Leseb, Bauko, Mountain Province.
Ang mga kinumpiskang lumber ay kinabibilangan ng 6 pcs. 1x12x10 lumbers; 7 pcs 1x10x10; 7 pcs.1x8x9; 3 pcs 1x12x6; 6 pcs. 1x12x5; 5 pcs. 2x3x9; 17 pcs.2x3x10 and 7 pcs. 2x2x10, na may kabuuang 339 board feet at may market value na P15,262.50.
 
Zaldy Comanda/ABN
 

Amianan Balita Ngayon