7 loggers huli sa aktong namumutol ng puno

LA TRINIDAD, Benguet – Huli sa akto ang pitong loggers habang iligal na nagpuputol at nagsusukat ng mga itinumbang puno sa Sitio Carallan, Barangay Luyon, Luna, Apayao, ayon sa ulat ng Luna Municipal Police Station.
Sa report na natanggap ng Police Regional Office-Cordillera, hindi nakapalag nang datnan ng mga operatiba ng Luna MPS, kasama ang ilang Barangay Officials, ang mga suspek na nakilalang sina Lorenzo Tenorio Espiritu, 48; Roger Guerrero Cotillon, 38; Rey Orus Mina, 26; June-June Orus Mina, 19; Robert Curitug Atabay; Michael Maluom Atabay, 28 at Ryan Pedronan Paligat, 20, na pawang taga karatig-bayan ng Pamplona, Cagayan.
Nakumpiska ang total volume na 1,126.63 board feet na nagkakahalaga ng P22,532.60 at dalawang unit na unregistered chainsaw.
Ang mga dinakip na suspek ay kinasuhan ng paglabag sa PD 705 o ang Revised Forestry Code of the Philippines at RA 9175 known o ang Chainsaw Act of 2002.
Samantala, sa anti-Illegal logging drive ng Ifugao at Benguet Police Provincial Office, kasama ang tauhan ng Philippine Army at Environment and Natural Resources, ay nakakumpiska sila ng
assorted lumber na may total volume na 4,069.66 board feet at may market value na P133,265.48.
Ang 130 board feet na nagkakahalaga ng P4,550.00 ay nakuha sa Barangay Binablayan, Tinoc, Ifugao, samantalang ang 81 pieces na assorted sawn Lawan lumber na may volume na 600 board feet at nagkakahalaga ng P25,200.00 ay nakumpiska sa Lower Awayan, Aguinaldo, Ifugao.
Ang 700 board feet naman ng Gmelina na nagkakahalaga ng ± 24,500.00 ay nakumpiska sa Sitio Tannibung, Pindongan, Kiangan, Ifugao at ang 91.66 board feet na nagkakahalaga ng ± 2,566.48 ay nakumpiska naman sa Yabyaban, Dalipey, Bakun, Benguet.
Ang lahat ng nakumpiskang hot logs na narekober ay nasa pangangalaga ngayon ng DENR Cordillera at MENRO/CENRO.
 
Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon