BIBAK property bilang pansamantalang paradahan isinulong

LUNGSOD NG BAGUIO – Hiniling ni Mayor Mauricio G. Domogan sa technical working group (TWG)na naghahanda ng comprehensive master development plan para sa 5,000 sq. meters Bontoc-Ifugao – Benguet-Apayao-Kalinga (BIBAK) property na payagan ang pansamantalang paggamit dito bilang pay parking site upang magbigay ng karagdagang parking spaces sa loob ng central business district dahil sa dumaraming bilang ng sasakyang dumarating sa lungsod.
Nagpadala na ng kaukulang sulat si Domogan kay Regional Director Ralph Pablo ng Department of Environment and Natural Resources (DENR-CAR)at Regional Director Roland P. Calde ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIPCAR) gayundin sa iba pang miyembro ng TWG upang magdesisyon kung papayagan o hindi ang pansamantalangpaggamit sa BIBAK property bilang paradahan habang hinihintay matapos ang master comprehensive development plan at probisyn sa kinakailangang pondo para sa development ng property.
“It has been over a year since the illegal structures in the area were demolished, but there are still no significant improvements that were undertaken, thus, it might be good if the vacant space will still be utilized as a temporary pay parking area to help provide our motorists with parking spaces when going around the city,” paliwanag ni Domogan.
Sinabi niya na ang TWG ang mangangasiwa sa operasyon ng pay parking area o bibigyan awtoridad ang lokal na gobyerno para pangasiwaan ito, subalit ang mahalaga ay mabuksan ang lugar na puwedeng gawing pansamantalang parking spaces habang hinihintay matapos ang nais na master development plan at implementasyon nito ayon sa napagksunduan.
Ayon sa mayor, sa oras na mapagbigyan ng TWG ang kaniyang kahilingan ay aatasan niya ang personnel ng City Engineering Office upang iassess ang feasible areas ng lugar na maaaring gawing pansamantalang paradahan.
Iginiit ni Domogan na naging mahirap na paalisin ang mga informal settlers sa BIBAK property kaya pinakamabuting magkaroon ng tuloy-tuloy na aktibidad ng gobyerno sa lugar upang mahadlangan ang pagokupa ng informal settlers at hadlangan ang implementasyon ng development projects sa hinaharap.
Nauna ditto ay ipinanukala ang lugar na gawin itong isang one-stop government center para sa mga ahemsiya ng gobyerno na walng permanenteng lugar para sa kanilang regional offices na gumawa ng sariling paraan para makapagtayo ng isang multi-storey structure para sa kanilang mga opisina, maliban sa gagamitin din ito bilang cultural center.
Ang BIBAK property ay bahagi ng Original Certificate of Title (OCT) No.1 sa ilalim ng Republika ng Pilipinas kung saan naipatayo ang mga dormitory na nagsilbing tirahan ng mga estudyanteng kolehiyo sa lungsod na nagmula sa Cordillera.
Nagpahayag ng pagtitiwala si Domogan sa mga miyembro ng TWG na aayon sila sa kaniyang panukala at maumpisahan na sa lalong madaling panahon dahil sa mabilis na pangangailangan ng
parking spaces sa palibot ng business central district area lalo na sa kasagsagan ng pagdaraos ng mga aktibidad na dinarayo ng maraming tao.
 
(PIO /ABN)

Amianan Balita Ngayon