Agresibong contact tracing sakop ang apat na bayan ng MP, Baguio

LUNGSOD NG BAGUIO – Ang agresibong contact tracing na ginagawa sa Bontoc, Mountain Province kung saan 12 mga kaso ng B117 SARS-CoV-2 (United Kingdom) variant ang nadiskubre ay pinalawig hanggang sa mga bayan ng Bauko, Sabangan, at Sagada, at Lungsod ng Baguio, ito ang pahayag ng isang opisyal ng kalusugan noong Lunes.
Sinabi ni Dr. Amelita Pangilinan, assistant director ng Department of Health (DOH)- Cordillera region sa isang panayam na isang lalaki mula Bontoc na nanggaling sa United Kingdom kasama ang kaniyang asawa ay nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (Covid-19) noong Disyembre 29, ay nagkaroon ng contact sa kaniyang mga kamag-anak mula sa Bauko, Sabangan, at Sagada sa isang pagtitipon ng pamilya at sa isang rituwal ng kultura noong Disyembre 25 at 26.
Naunang sinabi ni DOHCordillera Dr. Ruby Constantino na ang mag-asawa ay bumisita rin sa Sagada noong Disyembre 21 at tinangkang pumunta sa Besao sa parehong araw, na mabuti na lamang at nakalockdown ito.
Sinabi ni Pangilinan na nakaranas ang lalaki ng sakit sa tiyan noong Disyembre 27 at pumunta sa Luis Hora Regional Hospital kung saan nabigyan siya ng antigen test na nakitang nagpositibo siya sa Covid-19. Binigyan siya ng confirmatory swab test at ang positibong resulta ay inilabas noong Disyembre 29. Dinedetermina pa kung mayroon siyang variant ng UK.
Gayunman, sinabi niya na napag-alaman nila noong Lunes (Enero 25) na ang nahawaang lalaki at asawa nito ay nasa Lungsod ng Baguio na diumano’y para sa isang operasyon ngunit hindi sila natagpuan.
Sinimula ng mga awtoridad ang contact tracing sa mga kamag-anak ng mag-asawa dito matapos masabihan si Mayor Benjamin Magalong ng kanilang presensiya sa lungsod. “We have called LGU (local government unit in) Baguio and the Regional IATF (Inter-Agency Task Force addressing Covid-19) to help locate the couple and start the contact tracing in the city,” ani Pangilinan.
Gabi ng Lunes ay nagpost ang pamahalaang lungsod ng isang advisory sa Facebook, na humuhikayat sa mga residente ng Baguio na ipagbigay-alam sa mga awtoridad kung “dumalo sila o nagkaroon ng contact sa mga dumalo sa dalawang pagtitipon ng pamilya na ginawa sa Bontoc noong Disyembre 25 at 26, 2020.”
Sinabi niya na hanggang 6:00 ng gabi noong Linggo, may kabuuang 160 katao hanggang sa third-generation contacts ng 12 UK mga kaso ang naitala. Sinabi ni Pangilinan na nagkikita sila araw-araw upang tipunin ang mga impormasyon nakukuha ng 12 grupo ng contact tracers mula sa mga panayam. Pinalawig ni Bontoc Mayor Franklyn Odsey ng 14 araw pa ang lockdown sa mga barangay ng Bontoc Ili, Tucucan, Samoki, Poblacion, at Caluttit na magtatapos sana sa Enero 31, upang mapigilan ang pagkalat ng virus.
(LA-PNA/PMCJr.-ABN)

Amianan Balita Ngayon