ANG TUBIG AY PARA SA LAHAT, NGUNIT OBLIGASYON NG GOBYERNO NA PANGALAGAAN ITO

Ang tubig ay mahalaga para sa buhay ng tao, ngunit sa kabila ng di-matutulang katotohanang ito na lagi nang inuulit sa mga opisyal na publikasyon, pandaigdigang mga kampanya, at politikal na paggalaw sa nakalipas na dalawang dekada ay nagkaroon ng mainit na debate kung dapat bang tuwirang tanggapin na ang tubig ay isang karapatang pantao, at kung ang pagkilalang ito ay totoo bang makakagawa ng kaibhan sa mga polisiya at kaugalian.

Sa talakayan ng mga iskolar at aktibista sa mga kinatawan ng mga internasyunal na organisasyon, pambansang gobyerno, non-government organizations, at ng pribadong sektor – makasaysayang pinagtibay noong 2010 ng United Nations (UN) General Assembly (UNGA) ang mga resolusyon
na kumikilala sa “karapatan sa ligtas at malinis na inuming tubig at sanitasyon bilang isang karapatang pantao na mahalaga para sa lubos na pagtatamasa ng buhay at lahat ng karapatang pantao”.

Ang “human right to water and sanitation” (HRWS) ay isang prinsipyong nagsasaad na ang malinis na inuming tubig at sanitasyon ay isang pansansinukob na karapatang pantao dahil sa kanilang napakataas na kahalagahan sa pagpapanatili sa buhay ng bawat tao. Inoobliga ng HRWS ang mga gobyerno na siguruhin na matatamasa ng tao ang de-kalidad, handa, katanggaptanggap, madaling makuha, at abot-kayang tubig at sanitasyon.

Ang abot-kayang tubig ay isinaalang-alang ang laki kung saan ang halaga ng tubig ay magiging pagpipigil gaya ng kailangang isakripisyo ng isang tao na makakuha ng ibang mga pangangailangan at serbisyo. Sa pangkalahatan, isang pamantayan para sa abot-kayang tubig ay hindi dapat ito humigit sa 3-5 porsiyento ng kita ng isang sambahayan. Ang tubig ay dapat madaling makuha ng bawat mamamayan, handa ito kung saan isinaalang-alang kung ang suplay ng tubig ay laging handa na sapat, mapagkakatiwalaan at napapanatili.

Bagama’t kinikilala ng Baguio Water District (BWD) na ang tubig ay isang saligang karapatan ng tao ay kailangang nitong tanggihan ang isang kahilingan ng nasa 25 residente ng Pinget Barangay para sa isang service connection sa kadahilanang ang kanilang mga bahay ay itinirik sa loob ng Buyog Watershed Forest Reserve, sa kabila ng paghingi ng Punong Barangay ng tulong mula sa Sangguniang Panglungsod. Pinanindigan ng BWD na sa pamamagitan ng Proclamation No. 93, s. 1992 na nagtatag na ang Buyog Watershed ay inalis nito ang buong lugar mula sa entry sale, disposition, o settlement. Maliban sa Proclamation No. 93 s. 1992, tuwirang ipinagbabawal ng Section f ng Ordinance 67-2009 ang pagtatayo ng mga istruktura ng electric at water supply na “nasa loob ng mga government reservation, lugar ng mga paaralan, national at forest reservations, na karampatang tinukoy bilang watershed areas, road right-ofways at sa mga mapanganib na lugar na tinukoy ng mga angkop na ahensiya ng gobyerno.”

Ayon pa sa BWD, kahit pa ang isang Certificate of Ancestral Land Claim (CALC) na inisyu ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ay hindi kinikilala nilang isang basehan para mapahintulutan ang isang aplikasyon para sa isang water service dahil hindi ito tuwirang sinasabi ng ordinansa. Sinabi pa ng BWD na walang iginagawad na anumang aplikasyon para sa mga istruktura na nasa loob ng forest at watershed reservations mula pa nang maipasa ang ordinansa at walang “exemption” ay ibinibigay sa sinumang aplikante na nakatira sa loob ng isang reservation upang hindi daw makalikha ng anumang pamarisan.

Napag-alaman base sa isang survey ng DENR-CAR na sa 20 ektarya na inilaan para sa Buyog Watershed ay 12 ektarya ang inokupahan na ng mga naninirahan hanang ang natitirang 7.92 ektarya ay kagubatan pa. Tali ngayon ang mga kamay ng BWD dahil yayamang naiintidihan nito ang kalagayan ng mga nagpetisyon at tinitingnan na ang tubig ay tunay ngang isang pangunahing karapatan ng tao ay kailangan din nilang sundin ang mga restriksiyon sa katunayang dapat protektahan ang mga pinanggagalingan ng tubig.

Ilan na lang ang natitirang watershed at forest reservation sa lungsod ng Baguio at lahat ng mga ito ay may mga isyu at legal na usapin, at ang pinakamasakit sa ulo na problema ay ang mga “illegal settlers” na totoong napabayaan sa nagdaang mga taon na lumala dahil sa ngalan ng pulitika, imprastruktura at interes. Kung noon pa sana ay maliwanag na at mahigpit at tapat na ipinapatupad ang bawat batas lalo na ang land use plan ay disinsana’y hindi ito lumala. At kung ang usaping ito ngayon ay hindi maayos, tiyak ang pinngangambahang pagkaubos ng mga pinanggagalingan ng tubig sa lungsod ay mas mapapalapit pa.

PASKO SA BAGUIO

Amianan Balita Ngayon