PASKO SA BAGUIO

MUKHANG kakaiba ang mga naihandang mga programa sa selebrasyon ng Kapaskuhan sa Baguio.
Mas masigla, Mas masaya, at mas nasa puso at diwa natin. Mantakin mong Nobyembre pa lang, halos
nagpapaligsahan ang mga sektor upang maiangat pa ang kalidad ng mga programa. Karamihan sa atin ang dalidaling pumasyal sa Botanical Garden at nakilangoy sa agos ng madlang sinabik ng mga kwentong parke. Ginalugad ang buong kapaligiran, hinalukay bawat sulok, hinalungkat bawat gilid, manamnam lang

Ang bagong anyo at hugis ng inayos, inilawan, at binihisang parke. Hindi kalayuan naman, binuksan ang
Christmas Village sa Country Club, ginayuma ang mga bisita sa mga kakaibang palamuti na naging mapang-akit na gayuma ng lugar. Ang mga alagad ng sining sa iba’t ibang larangan ng paglikha ay hindi nagpakulelat, muling inilunsad ang taunang Ibagiw Creative Festival. Samut saring palabas ang ipinamalas sa mundo, taas-noong inihain ang resulta ng galing at husay ng Baguio. At kagabi, pormal na
binuksan ang Enchanting Baguio Christmas celebration sa unang araw ng Kapaskuhan sa lungsod.

Magarbo at tila en grande ang paglulunsad. Sabay-sabay na inilawan ang kahabaan ng mga pangunahing
kalsada, mga road island at mini garden, ang Burnham Park, ang mga gusaling taunan ay kapwersa sa pakikiisa sa pagsalubong sa Pasko. Kagilagilalas Ang SLU Lantern Parade, isang taunang pagpapamalas ng Louisian spirit of Christian solidarity. Pasko na, lungsod nating mahal! Ating muling gunitain ang biyayang hatid ng Sabsaban. Katahimikan sa mundo. Kabutihan sa sambayanan. Pag-iibigan, pagbibigayan. Maki-Pasko! Dito sa Baguio! Angat bawat tao!

Amianan Balita Ngayon