ANTI-RAPE CAMPAIGN NG CORDILLERA PNP, PALALAWAKIN

BAGUIO CITY

Palalakasin at palalawakin pa ng Police Regional Office (PRO) Cordillera ang “Implan Pani-o” o ang anti-rape campaign ng pulisya. Ayon kay PRO Cordillera Women and Children Protection Desk chief PMaj. Marcy Grace Marron, idadagdag nila sa naturang kampanya ang pag-monitor sa mga biktima ng panggagahasa. “We are working to enhance the Implan Pani-o to monitor victims after na na-file ang kaso o bakit hindi sila nagfa-file ng kaso,” si Marron. Aniya, kapag naisapinal ay iprepresenta nila ito sa pinuno ng Cordillera PNP para sa pag-apruba at
pagpapatupad nito.

Ang Implan Pani-o ang best practice ng Ifugao PNP na isinasagawa na rin ng iba pang PNP offices sa rehiyon. Dito,
isinasagawa ng kapulisan ang house-to-house visitation sa mga barangay na maraming kaso ng panggagahasa sa
layuning mapababa ang kaso ng rape o mapigilan ang naturang krimen. Batay sa monitoring ng PRO Cordillera, bagama’t bumaba ang kaso ng rape sa unang quarter ngayong taon, ito pa rin ang pangunahing kaso sa gender-based violence (GBV) at violence against children (VAC) habang pumapangalawa ito sa violence against women (VAW).

Sa unang quarter ngayong taon ay naitala ang 28 rape cases sa ilalim ng GBV, mas mababa kumpara sa 52
na kaso na naitala sa kaparehong quarter noong nakaraang taon. Sa VAC naman, 22 ang rape cases na naitala sa first quarter ng 2024 mula sa 38 na naitala sa kaparehong panahon noong 2023. Samantala, sa VAW ay anim ang kaso ng panggagahasa na naitala sa unang quarter ngayong taon habang 37 sa kaparehong quarter noong nakaraang taon.

Inihayag pa ni Marron na rape din ang pangunahing offense ng mga children in conflict with the law sa
rehiyon. Mula sa mga nasabing kaso ng panggagahasa, karamihan ay nabasura dahil sa lack of interest o hindi
pagsasampa ng kaso ng partido ng biktima. Binigyang-diin naman ni Prosecutor John Carlo Carantes ng Department of Justice na dalawa ang aspeto ng krimen, ang civil aspect at criminal aspect.

Aniya, kapag hindi na interesado ang partido ng biktima na magsampa ng kaso, ito ang civil aspect pero tungkulin pa rin ng Estado na magsampa ng kaso sa criminal aspect. “If na-settle na ‘yung civil aspect, may duty pa rin ‘yung State natin. Kung mayroon pong circumstantial evidence na makakalap, puwede pa rin po nating i-file [criminal aspect],” si Carantes. Una nang tinalakay ng Regional Peace and Order Council ang pagsasagawa ng pag-aaral kung bakit mayroon pa ring nangyayaring panggagahasa sa rehiyon at kung paano ito matutugunan.

(DEG-PIA CAR)

Amianan Balita Ngayon