Baguio bubuksan ang papalabas na transportasyon

LUNGSOD NG BAGUIO – Nais ng pamahalaang lungsod na buksan ang papalabas na pampublikong transportasyon mula sa lungsod papunta sa ibang lugar ng Cordillera maliban sa Ifugao, anumang oras kapag naibaba na ang umiiral na enhanced community quarantine (ECQ) sa general community quarantine (GCQ).

Gayunman, sinabi ni Mayor Benjamin Magalong na ang pagbubukas sa papalabas na pampublikong transportasyon sa ibang bahagi ng Cordillera, maliban sa Ifugao ay mahigpit na susunod sa mga gabayan sa pagbubukas ng pampublikong transportasyon na inilabas ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Sinabi niya na base sa assessments na ginawa ng lungsod, kasama ang mga eksperto sa kalusugan, karamihan ng probinsiya sa Cordillera ay itinuturing na malinis gaya ng ilang lugar partikular ang Apayao, Mt. Province at Kalinga ay nakapagtala ng zero COVID cases magmula ng implementsyon ng ECQ, kaya mahalaga na ikonsidera ang unti-unting pagbubukas ng papalabas na pampublikong transportasyon sa mga bahaging ito ng rehiyon.

Binigyan-diin ng Mayor na tamang koordinasyon ang gagawin kasama ang mga kinauukulang opisyal ng probinsiya at operators ng pampublikong transportasyon na may ruta mula sa lungsod papunta sa mga probinsiya kung paano pamahalaan ang kanilang operasyon anumang oras matapos ang GCQ.

Ayon sa kaniya, walang pang desisyon ang narrating sa posibleng pagbabalik ng pampublikong transportasyon sa iba’t-ibang bahagi ng Northern at Central Luzon at sa National Capital Region (NCR) dahil tinitiyak pa ng pamahalaang lungsod ang kondisyon ng iba’t-ibang lugar sa labas ng Cordillera kung maaari na o hindi pa pwedeng simulan ang unitunting pagbubukas ng pampublikong transportasyon sa mga lugar na ito.

Sinabi niya nab ago ang anumang pagbabalik ng papalabas na pampublikong transportasyon mula sa lungsod, ang mga sasakyan na gagamitin ay sasailalim sa kinakailangang inspeksiyon ng LTFRB para sa kanilanbg pagtugon sa new normal situation.

Bahagi ng mga panuntunan inilabas ng LTFRB para sa operasyon ng mass public transportation ay para sa 50 percent occupancy ng mga sasakyan, probisyon ng sanitizers at alcohol. Ang sapilitang pagsusuot ng face masks, ang paglalagay ng plastic division sa pagitan ng driver at mga pasahero, at iba pa.

Ang mass public transportation ay isa sa mga sektor na inaasahang magbabalik operasyon sa  panahon ng GCQ ngunit sasailalim sa mahigpit na pagsunod sa polisiya ng physical distancing ng mga pasahero.

Ipinaliwanag din ng Mayor na kahit unti-unting mag-uumpisa ang mass public transportation sa lungsod ito ay napakalimitado lamang alinsunod sa naitatag na transition plan ng pamahalaang lungsod upang mahadlangan ang isang posibleng pangalawang daluyong ng impeksiyon ng virus.

Mula sa kasalukuyang bilang ng public utility vehicles na nabigyan ng mga prangkisa, inihayag niya na mas mababa sa 15 porsiyento nito ang maaaring payagan na mag-operate sa unang dalawang linggo ng GCQ.

DAS-PIO/PMCJr.-ABN

Amianan Balita Ngayon