Baguio, nagtakda ng buwanang paglilinis sa lungsod

LUNGSOD NG BAGUIO – Itinakda ng pamahalaang lungsod ang ikaapat na Sabado ng bawat buwan bilang city wide cleanup drive dito.

Nilagdaan ni Mayor Benjamin Magalong ang Executive Order No. 38-2019 na inisyu noong Agosto na nagtatatag ng city-wide cleanup drive na unang ginawa noong Hulyo 27.

Sa isang panayam noong nakaraang Martes ay sinabi ni Magalong na ang hakbang ay hindi lamang upang ibalik ang kalinisan ng lungsod kundi hadlangan din ang mga sakit dulot ng maruming kapaligiran.

Sinabi niya na ang paglilinis ay hinaing at sigaw ng publiko na nakita ang pangangailangan ng isang sama-samang pagkilos mula sa lahat ng sektor.

“A lot of people joined and we saw the relevance of the activity that is why we are adopting it as a regular activity in the whole of Baguio,”ani Magalong.

Bukod sa EO, iniuutos din ng Memorandum 222 sa lahat ng opisyal ng 128 barangay na makilahok at pakilusin ang mga organisasyon na magsilbi bilang multipliers sa cleanup drive.Sinabi niya na ang partisipasyon ng mga barangay official ay mahalaga sa kampanya dahil lilikha ito ng kinakailangang suporta mula sa mga residente.

Maliban sa buwanang pagdaraos ng isang city-wide cleanup drive ay itatatag din ng pamahalaang lungsod ang Search for Cleanest and Dirtiest Barangays na ang paghatol ay gagawin buong taon upang masiguro ang pagpapanatili ng implementasyon ng clean and green programs.

Dati ay umaani ang Lungsod ng Baguio ng mga paggawad sa pagiging isa sa mga pinakamalinis at pinakaluntiang lungsod sa bansa.

Noong 1995 ay nakuha ng Baguio ang “Hall of Fame” award sa pambansang Search for the Cleanest and Greenest Highly Urbanized City matapos manalo sa tatlong magkakasunod na taon.

Napanalunan ng lungsod ang hall of fame award dahil sa pagtutulungan ng lokal na gobyerno, kinauukulang mga ahensiya ng gobyerno, pribadong sektor, at mga barangay.

PNA/PMCJr.-ABN

Amianan Balita Ngayon