Baguio, nakipagkaisa sa ika-120 selebrasyon ng Kalayaan

LUNGSOD NG BAGUIO – Ipinagdiwang ng pamahalaang lungsod ang ika-120 Araw ng Kalayaan na may temang “Pagbabagong ipinaglaban alay sa masaganang kinabukasan” sa President Fidel V. Ramos gymnasium noong Martes, Hunyo 12.
Nagsilbing panauhing pandangal si Police Regional Office-Cordillera Director Senior Supt. Rolando Nana.
Sa kanyang talumpati ay sinabi nito na nakakalungkot ang nangyayaring rebelyon at pakikibaka sa kapulisan na Pilipino laban sa Pilipino ang nagpapatayan.
Hindi naiwasan ng regional director na banggitin ang nangyaring engkwentro sa pagitan ng mga rebelde at pwersa ng gobyerno sa Sagada, Mt. Province noong Hunyo 5 na ikinasawi ng isang pulis.
Naging laman din ng talumpati nito ang patuloy na pakikipaglaban sa droga, ang pagsugpo sa ipinagbabawal na marijuana at ang mga aksyon ng kapulisan upang mapababa ang lebel ng kriminalidad hindi lamang sa lungsod kundi sa buong Cordillera.
Nakiisa rin sa selebrasyon sina Mayor Mauricio Domogan at Congressman Mark Go na pinangunahan ang mga lokal na opisyal ng lungsod.
Ipinamalas naman ng mga estudyante ng Baguio City National High School ang kanilang galing sa pagsasabuhay ng mga tradisyong sayaw ng mga Pilipino at sa pagpapakita ng mga sakripisyo at kabayanihan para makamit ang kalayaan ng Pilipinas.
Sa pagtatapos ng programa ay pinarangalan ang mga beteranong sundalo at pulis ng World War II. FRIA PILORIN, UC Intern / ABN

Amianan Balita Ngayon