Blood donors at partners ng PRC-Benguet, paparangalan

LA TRINIDAD, BENGUET – Puspusan na ang paghahanda ng Philippine Red Cross-Benguet Chapter para sa selebrasyon ng National Blood Donors Month sa buwan ng Hulyo.
Kasamang naghahanda rito ay ang Department of Health-Center for Health Development sa Cordillera, provincial health office, pamahalaang probinsyal ng Benguet at ang mga local government unit sa 13 munisipalidad nito, Benguet General Hospital, iba pang ahensya ng gobyerno, non-government agencies, universities and colleges, sponsors at donors.
Ang National Blood Donors Month sa buwan ng Hulyo ay alinsunod sa Presidential Proclamation No. 1021 series of 1997 at sa Republic Act No. 7719 o National Blood Services Act of 1994 na nagtataguyod ng boluntaryong donasyon ng dugo para sa pagkakaroon ng ligtas at sapat na suplay ng dugo at upang ipabatid sa kaalaman ng publiko na ang blood donation ay isang paraan para makapagligtas ng buhay.
Ang naturang programa ay hango sa taon-taong paggunita sa World Blood Donor Day sa ika-14 ng Hunyo na ngayong 2018 ay may temang “Be there for someone else. Give blood. Share life.”
Ayon kay Cirila Sabiano, coordinator ng Blood Services Program ng PRC-Benguet, magsisimula ang aktibidad na inihanda nila sa Hulyo 1 sa pamamagitan ng paglalagay ng mga banner sa iba’t ibang tanggapan sa probinsya bilang bahagi ng kanilang patuloy na information campaign.
Aniya, ang tampok na aktibidad ay magaganap sa Hulyo 31 kung kailan itinakda ang pagbibigay ng parangal sa mga Blood Galloners, o ang mga donor na nakapagbigay ng 450cc ng dugo nang siyam na beses (4,050cc), at mga partner agencies and stakeholders ng Red Cross. Magkakaroon din ng mass blood donation activity sa naturang araw. Ang aktibidad ay sisimulan sa pamamagitan ng motorcade sa ika-8 ng umaga mula sa likod ng Benguet General Hospital, dadaan sa Puguis Road papuntang Buyagan Road, Barangay Poblacion sa La Trinidad, Benguet.
Layunin ng programa na ibahagi ang kwento ng mga taong natulungan at guminhawa ang buhay sa pamamagitan ng pagbibigay ng dugo, magpasalamat sa mga taong nagbigay ng dugo at hikayatin mga tao lalo na ang kabataan na mag-donate ng dugo. JEZZA MAEH NAGAYOS, UC Intern / ABN

Amianan Balita Ngayon