Buwis ang buhay ng gobyerno

Tunay na mahalaga ang buwis dahil kapag wala ito ay hindi maipapatupad ng gobyerno ang mga pangunahing proyekto sa buong bansa. Kapag walang buwis ay hindi makakagawa ng mga daan at tulay, hindi makakapagtayo ng mga gusaling paaralan at ospital at hindi masasahuran ang mga guro, pulis, sundalo, doktor, narses at mga kawani na naghahatid ng mga serbisyo sa publiko.
Totoo rin na ang isang malaking mall sa lungsod ng Baguio ay siyang laging nangunguna sa pagbabayad ng buwis sa negosyo at real estate tax – ito ay sa obligasyon nila sa lungsod.
Nagkulang ang Bureau of Internal Revenue-Cordillera Administrative Region (BIR-CAR) sa kanilang target ng katiting na 2 porsiyento na kanilang projected tax collection goal noong nakaraang taon. Ayon sa BIR-CAR ay narating ng lahat ng revenue district offices sa buong rehiyon ang kanilang itinakdang koleksiyon sa buwis subalit sa pinagsamang regional tax collection ay hindi nakamit ang target na P6.8 bilyon at nakakolekta lamang ng P6.6 bilyon noong nakaraang taon.
Ayon pa sa isang opisyal ng BIR-CAR ay 61 porsiyento ng koleksiyon ay galing sa income tax at 26 porsiyento naman mula sa value added tax at sa ibang uri ng buwis. Sa taong ito ay binigyan ang BIR-CAR ng tax collection goal na P7.8 bilyon na 5 porsiyento lamang na mas mataas kaysa tax collection goal noong nakaraang taon.
Inamin ng isang mataas na opisyal ng BIR-CAR na makakamit sana ang itinakdang tax collection goal o kaya’y baka mahigitan pa kung ang malaking mall at iba pang mall sa rehiyon ay direktang magbabayad na ng kanilang buwis sa BIR-CAR at hindi sa kanilang mga “principal offices”. Iminungkahi pa niya na maaari sigurong gawing korporasyon na lang sila dito sa rehiyon upang direktang sa rehiyon na rin sila magbayad ng buwis.
Marahil ay napapanahon na rin na repasuhin ang mga probisyon sa pagbubuwis sa mga malalaking korporasyon at establisimiyento na may mga sangay sa iba’t ibang lungsod at bayan sa Pilipinas upang mas lalong makinabang ang mga lokal na komunidad at mga tao.
Noong unang panahon ay tinuligsa ng mga tao ang pagbubuwis subalit may pasubali ang Bibliya ukol dito na nakasulat sa Mga Taga-Roma 13: 1-7 na sinasabing:
1 Ang bawat tao’y dapat pasakop sa mga pinuno ng pamahalaan, sapagkat walang pamahalaang hindi mula sa Diyos, at ang Diyos ang nagtatag ng mga pamahalaang umiiral. 2 Kaya nga, ang lumalaban sa pamahalaan ay lumalaban sa itinakda ng Diyos; at sila’y paparusahan. 3 Ang mga pinuno ay hindi dapat katakutan ng taong gumagawa ng mabuti. Ang mga gumagawa lamang ng masama ang dapat matakot. Kung ayaw mong matakot sa mga namumuno, gumawa ka ng mabuti, at pararangalan ka nila. 4 Sila’y mga lingkod ng Diyos para sa ikabubuti mo. Ngunit kung gumagawa ka ng masama, dapat kang matakot dahil sila’y may kapangyarihang magparusa. Sila’y mga lingkod ng Diyos, na nagpaparusa sa mga gumagawa ng masama. 5 Kaya nga, dapat kayong pasakop sa kanila, hindi lamang upang hindi kayo maparusahan, kundi alang-alang na rin sa inyong budhi. 6 Iyan din ang dahilan kung bakit kayo nagbabayad ng buwis. Ang mga pinuno ng pamahalaan ay mga lingkod ng Diyos at ito ang kanilang tungkulin. 7 Ibigay ninyo sa bawat isa ang nararapat sa kanya. Magbayad kayo sa mga dapat bayaran at magbigay kayo ng buwis sa dapat buwisan; igalang ninyo ang dapat igalang at parangalan ninyo ang dapat parangalan.                                                                                      PMCJr.

Amianan Balita Ngayon