Cordillera Covid-19 vax doses umabot na sa 1.1 Million

Provincial

LUNGSOD NG BAGUIO – Nakatanggap na ang Cordillera Administrative Region (CAR) sa nagyon ng kabuuang 1,110,844 doses ng iba’t-ibang brand ng coronavirus disease 2019 (Covid-19) vaccine, ayon sa isang opisyal ng Department of Health (DOH) noong Huwebes (Oktubre 14).

Sa isang regular na “Kapihan” forum, sinabi ni Dr. Amelita Pangilinan, DOH-CAR assistant director at tagapagsalita, na kabilang dito ang 577,720 Sinovac doses;234,000 Pfizer doses; 153,764 AstraZeneca doses; 100,650 Janssen doses; 33,910 Moderna doses at 10,800 Sputnik V doses.

Sinabi niya na may 414,875 residente ang lubos nang nabakunahan, kabilang ang mga nabakunahan ng single-shot Janssen na bakuna.

Nasa 455,123 pa ang nakatanggap ng one-dose at naghihintay para sa kanilang iskedyul para sa ikalawang dose.

Idinagdag ni Pangilinan na sa mga probinsiya ng nakararanas ng biglang pagdami ng mga kaso ng Covid-19 ay marami ang napabakuna kahit anong brand ang mayroon.

“Nakikita naman nila na importante may protection sila kaysa sa wala saka marami ang natatakot dahil marami ang nai-infect kaya gusto nila pag may vaccine, mabigyan na sila,” aniya.

Sa parehong forum ay sinabi ni Dr. Thea Pamela Cajulao, infectious disease specialist sa Baguio General Hospital and Medical Center (BGHMC), na 89 porsiyento ng namatay sa Covid-19 sa rehiyon noong Setyembre ay hindi nabakunahan.

(LA-PNA/PMCJr.-ABN)