Distribusyon ng SAP subsidy para sa 4Ps sa Cordillera nag-umpisa na

LUNGSOD NG BAGUIO – Ipinahayag ng Department of Social and Welfare Development (DSWD) na ang distribusyon ng Social Amelioration Package (SAP) cash subsidy para sa mga benepisaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa Cordillera ay maguumpisa sa Abril 6.
Isang mahalagang sangkap ng Bayanihan to Heal as One Act, ang SAP ay magbibigay ng emergency cash assistance sa mga sambahayang mababa ang kita, kabilang ang mga benepisaryo ng 4Ps, upang maibsan ang epekto ng public health emergency dahil sa COVID-19.
Sinabi ni DSWD-Cordillera Administrative Region (CAR) Regional Director Leo Quintilla na mayroong 59,396 4Ps beneficiaries sa rehiyon na may 11,942 sa Abra; 7,271 sa Apayao; 2,921 sa Baguio City; 10,966 sa Benguet; 9,291 sa Ifugao; 10,729 sa Kalinga at 6,276 sa Mountain Province.
Sinabi ni Quintilla na bawat benepisaryong sambahayan ay tatanggap ng PhP4,150 na direktang idedeposito sa Landbank EWMV cash cards ng mga benepisaryo ng 4Ps.
Pinaalalahanan niya ang mga benepisaryo na sundin ang social distancing at iba pang health/ safety protocols ng Department of Health at kani-kanilang local government units kung magwiwithdraw ng kanilang SAP subsidy.
Ang mga wala pang cash cards ay pinayuhang makipag-ugnay sa city/municipal link para sa schedule ng distribusyon at para sa anumang iba pang katanungan o klaripikasyon.
Ipinaliwanag ni Quintilla na ang PhP4,150 ay idinagdag sa PhP1,350 health grant at rice subsidy ng 4Ps beneficiaries upang makumpleto ang PhP5,500 cash subsidy para sa CAR na kinompute base sa umiiral na regional minimum wage rate.
Ang DSWD-CAR ay may inisyal na halagang PhP1.3 bilyon para sa implementasyon ng SAP sa Cordillera, inihayag ni Quintilla.
Sinabi ni Quintilla ng puntirya ng SAP ang 300,000 benepisaryong-pamilya sa rehiyon. Masusing inaayos na ng DSWD-CAR kasama ang iba’t-ibang local government units sa rehiyon para sa identification at registration ng iba pang benepisaryo na kasama ang ibang mahihirap na pamilya sa DSWD Listahanan database, espesyal na sektor ng lipunan gaya ng persons with disability, solo parent at senior citizens, at iba pang vulnerable groups at mga informal sector na naapektuhan ang mga trabaho ng ECQ.
CCD-PIA-CAR/PMCJr.-ABN
 

Amianan Balita Ngayon