DOH-CAR iniulat ang paggaling ng 4 na kaso ng COVID-19

LUNGSOD NG BAGUIOApat sa COVID-19 positive patients sa Cordillera Region ang gumaling mula sa nakamamatay na sakit.
Iniulat ng Department of Health Cordillera Regional Office (DOH-CAR) sa regular COVID-19 update nito na ang mga gumaling ay isang 37 taong gulang na lalaki mula Abra, 61 at 70 taong gulang na babae mula Baguio City at isang 6 taong gulang na batang babae mula Benguet.
Base sa datos noong Abril 2 ng DOH-CAR, may 18 positive confirmed cases sa rehiyon na may 14 ang na-admit sa health facilities.
10 ay mula sa lungsod ng Baguio at tig-dalawa mula sa mga probinsiya ng Abra at Benguet. Mayroong 845 Persons Under Investigations sa Cordillera kung saan 39 ay naadmit sa health facilities, 291 ang nasa home quarantine at 515 ang pinalabas na.
Mayroon ding 10 pagkamatay sa mga PUI, siyam sa kanila ay nag-negatibo sa test habang isa may nakatenggang laboratory confirmatory test mula sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM).
Samantala ay ibinahagi ni DOH-CAR OIC Regional Director Dr. Amelita Pangilinan sa isang online media briefing ang magandang balita na ang Baguio General Hospital and Medical Center ay accredited na ng RITM upang magsagawa ng COVID-19 confirmatory testing.
Nagsasagawa na ito ng average na 80 hanggang 100 confirmatory test bawat araw. May sapat na suplay ng COVID-19 testing kits sa pagdating ng 5,000 pang units ngunit niliwanag niya na ang proyoridad sa testing ay mga PUIs na may moderate hanggang severe symptoms at mga health workers na nag-aalaga sa mga pasyente ng COVID-19 at iba pang may kaugnayan sa COVID health care services.
Kinumpirma din niya na ang DOH-CAR ay mayroon pang stock ng Personal Protective Equipment (PPEs) para sa mga health workers at distribusyon sa mga health facilities ay prayoridad sa mga may positibong kaso ng COVID-19 at agarang pangangailangan base sa kanilang monitoring.
Inihayag ni Pangilinan ang kaniyang pasasalamat sa maraming donors na nagbibigay din ng PPEs sa health workers at iba pang frontliners, na ang pagbibigay sa kanila ng protective equipment ay ang pinakamaliit na magagawa natin upang masuklian ang kanilang paghihirap, sakripisyo at dedikasyon upang makatulong sa laban kontra COVID-19.
“I hope and pray that God Bless all the work in their hands,” ani Pangilinan.
Nanawagan din siya sa bawat isang Cordilleran na ipagpatuloy na makiisa at mahigpit na tumugon sa public health advisories at alituntunin ng enhanced community quarantine lalo na sa pamamalagi sa bahay upang makatulong na mahadlangan ang pagkalat na coronavirus.
CCD-PIA-CAR/PMCJr.-ABN

Amianan Balita Ngayon