GAP-certified na mga produkto makukuha sa CAR KADIWA Retail Store

LUNGSOD NG BAGUIO – Maraming uri ng gulay mula sa Good Agricultural Practice (GAP) – certified na mga magsasaka at farmer associations ang maaaring makuha sa KADIWA Retail Store ng agriculture department dito.

Nasa tabing daan sa Department of Agriculture- Cordillera office sa Lungsod ng Baguio, iba-ibang gulay ang maaari na ngayong maibiyahe ng mas madali at mas madali na ring makuha ng publiko sa kabila ng mga limitasyon sa ilalim ng ECQ.

Ang Good Agricultural Practices (GAP) ay nadisenyo upang mapahusay ang sustainable agricultural practices kabilang ang pagtitipid sa likas na pinagkukunan, pagpapahusay sa kalidad ng pagkain, kaligtasan, at traceability, gayundin ang paglikha ng mga bagong oportunidad sa merkado para sa mga magsasaka habang pinapahusay ang kanilang mga kondisyon sa trabaho at kaligtasan.

Ayon sa DA-CAR, inimbitahan nito ang ilang farmer associations – kapuwa GAP-certified at organic na makilahok sa proyekto. Ang mga asosasyong ito ay : Manpat-a Farmers Association, Tikeng Manyedyed Farmers Association Inc, Buguias Ex- Japan Trainees Association, Dagwat Savers, Sergio’s Savers Farm, Mugen’s Savers Farm, and Palayen Farms, Barangay Loakan Organic Farmers Association, at ang Tuba Natural Grown Farmers Association.

Si Brenson Dagwat, isang miyembro ng Buguias-Japan Agricultural Trainees Association ay nagsusuplay ng 60-80 kg ng mga produkto sa KADIWA Retail Store.

“Nagrequest kami ng transport assistance…at very thankful kami kasi ‘yes’ kaagad ang response nila,” aniya. Ang “KADIWA ni Ani at Kita” project ay layong buksan ang maraming daan na direktang magdurugtong sa mga magsasaka at mangingisda sa mamimili.

Hinihikayat din nito ang mga magsasaka at mangingisda na gamitin ang post-harvesting method gaya ng wastong pagpresyo at packaging ng kanilang produkto.

Sinabi ni Basilio Ngaseo, isang GAP-certified member ng Manpat-a Farmers’ Association na kauna-unahan para sa kanilang asosasyon na makilahok sa proyektong KADIWA. Sa kaniyang suplay na 10-15 crates ng iba-ibang gulay sa KADIWA Retail Store ay umabot ang kaniyang kita sa PhP18,000 sa isang araw. Tinatanaw niya ang kaniyang progreso sa mga seminar at trainings na linahukan niya na inorganisa ng DA, lahat ay nagdala sa kaniyang GAP certification.

Naalala niya, “Noong hindi pa ako GAP-certified, makalat ang paggamit ko sa aking pinagtataniman.” Sinabi niya na maaari niyang magamit ang natutunan sa KADIWA Retail Store at sa iba pang grupo/komunidad na sinusuplayan ng kanilang farmer association.

Hinihikayat niya ang kapuwa mga magsasaka na gawin din ito dahil malaki ang pakinabang sa comprehensiveness at mga oportunidad mula sa GAP-certification. “Kapag nasanay sila sa GAP, imbis na sa mga dating kinaugalian, maganda na ito.”

Bukas ang KADIWA Retail Store mula Lunes hanggang Biyernes, 8 a.m. hanggang 5 p.m.

AAD/PMCJr.-ABN

Amianan Balita Ngayon