HARINAWA HARING ARAW

MATAPOS ang mga mapaminsalang mga bagyo – Egay, Falcon, Goring, Hannah, Ineng — mukhang biniyayaan tayo ng kalangitan na makita si Haring Araw nitong nakaraang mga araw. Salamat naman, at kahit papaano, hindi tayo nakakaligtaan ng nasa Itaas. Patuloy ang Kanyang
bendisyon, patuloy ang Kanyang pag-alaga sa atin. Matatandaan na nagtapos ang buwan ng Hulyo
nang manalasa si Egay. Hindi pa man nakalalabas ng bansa, sinundan agad ni Falcon. At sa buwang nagdaan nitong isang linggo, si Goring naman ang bumisita, habang sa likuran nya ay si Hannah at hindi kalayuan ay si Ineng.

Walang puknat na pananalasa. Mga hagupit na dala ng malalakas na ulan at bugso ng hangin na walang sinisino, walang damdamin, walang sinasanto. Ganito na nga ba ang bagsik ng Inang
Kalikasan? Mala-delubyo ang dating, kaya naman maladelubyo din ang hirap at sakit na bumayo sa maraming dako ng bansa, lalo na sa mga lugar na matindi ang dagok na inihasik. At nitong nakaraang araw nga, biglang lumabas si Haring Araw. Sa simula ay pasilip-silip, tila inaalam kung paano makakahulagpos sa kaulapang walang humpay na nilalangoy ng kalangitan.

Hindi kalaunan, buong buo na nagpakita si Haring Araw, naghasik ng liwanag upang ang langit ay maging asul. Harinawa, Haring Araw, ikay ay magtagal. Iyong patuloy na isabog ang liwanag na syang bumubuagong salinhay sa kamunduhan. Setyembre ng ikaw ay nagpakitang gilas at ganda.
Nawa ay magpatuloy ang kaliwanagang ilang buwan ding ipinagkait sa sambayanan. Napag-uusapan din lang ang mga araw na darating, bigwang puwang naman natin ang isinasagawang mga paghahanda sa tila walang tigil na pagdagsa ng kakaibang mga bumibisita sa atin – ang mga turistang kapwa Pilipino na naiimbyerna sa init ng panahon, sa bagsik ng mga bagyong lalong lumalakas ang hagupit.

Isang makapusong pagsaludo sa Baguio Tourism Council, ang pangunahing samahan ng mga pribado at publikong indibidwal at institusyon na magkaagapay sa pagsulong ng turismo. Tatlong proyekto ang pinasinayaan nitong Byernes na inaasahang magbibigay ng sigla sa industriyang nilugmok ng halos ay tatlong taon ng pandemyang ngayon nga ay papalapit na sa sariling hukay.
Una ay ang muling pagbubukas ng Visitor Information Center sa Burnham Park. Halos isang taon ding binuo ang pag-sasayos ng naturang pasilidad, kaharap lang ng restoran sa Abad Santos St na siyang pangunahing kalsada sa makasaysayan at pangunahing parke sa Baguio.

Pangalawa ay ang paglulunsad ng Post Office Park na isinagawa upang maibalik ang kaluntian at kagandahan ng tanggapan ng koreo na siyang nagsilbing tulay ng ugnayan sa pamamagitan ng
pagpapadala ng sulat at iba pa. Pangatlo ang reflectorized pool sa Wright Park, harap lang ng Mansion House, na tunay namang nagbigay ng kakaibang kulay ng kapaligiran sa isang lugar na madalas ay nagiging sentro ng romansa sa mga sineng hindi pinaglumaan ng panahon. Pinagtuunan ng hindi matatawarang kakayahan ang ginawang pag-sasaayos ng tatlong lugar sa Baguio ng pinagsamang puwersa ng gobyerno local at ng Baguio Tourism Council.

Tatlo rin ang puwersang ginamit: ang pamahalaan, ang pribadong sector ng mga nagtataguyod sa
muling pagbangon ng turism, at ang buong lipunan na nakiisa upang muling maibalik ang sigla
ng industriyang pinaluhod ni Covid-19. At hindi magtatapos ang mga inisyatibong itinataguyod
upang ganap na maibangon ang mga nasalanta ni Covid-19 at ang mga nagdaang mga superstorms. Ang Creative Baguio City Council ay mayroon ding mga pinaghahandaang mga proyekto na magbibigay lakas at inspirasyon sa mga kultura at sining ng lungsod.

Ang Dominican Hill retreat center ay isasailalim sa isang conservation management plan upang mapatatag ang halaga ng kasaysaysan sa naturang lugar habang isinusulong ang kultura at sining na siyang inaasahang ugat ng bagong kasiglahan. Inaasahan ding muling ilulunsad ang bersyon sa taong ito ang kinasasabikang Ibagiw Creative Festival sa isang Nobyembreng punong-puno ng mga programang magaangat pa sa lebel at kalidad ng kultural at sining. Ang larangan ng paglikha ang naging susi upang noong taon ng 2017, bago pa man manalasa si Covid, ay binigyang pagkilala ang Baguio bilang kasapi sa Creative Cities Network na nasa pangangalaga ng United Nations. Dalawang larangan ng sining – crafts at folk arts – ang binigyang pugay upang ang Baguio ay maging unang lungsod sa Pilipinas na kilalaning Creative City.

Dalawang magkasanggang sector ng lipunan sa ilalim ng masinsinang pangangasiwa ng mga
pribadong indibidwal ang katangi-tanging samahan na dapat lamang na bigyang parangal: ang Baguio Tourism Council sa liderato ng matagumpay na negosyanteng si Gladys Vergara at ang
Creative Baguio City Council na pinamumunuan ng ngayon ay retired UP-Baguio Chancellor
Dr. Raymundo Rovillos. Mabuhay po kayong magigiting na bagong saling lahi ng mga lider na sumusunod sa yapak ng nakaraang henerasyon. Harinawa ang Haring Araw ay patuloy na
magpunla ng liwanag na kailanman ay hindi masasaklawan ng dilim sa mga susunod na panahon.
Angat Tayo Baguio: tulong,tulong, sama-sama sa iisang diwa!

Amianan Balita Ngayon