Ika-121 Araw ng Kalayaan, makulay na ipinagdiwang ng Baguio

LUNGSOD NG BAGUIO – Makulay na ginunita ng syudad ng Baguio ang ika-121 taong anibersaryo ng kalayaan ng bansang Pilipinas sa President Fidel V. Ramos (PFVR) Gymnasium noong Miyerkules, June 12, sa temang “Kalayaan 2019: Tapang ng Bayan, Malasakit sa
Mamamayan”.
Ang pagdiriwang ay nagsimula sa isang saliw ng tugtog mula sa Saint Louis University Marching Band, hudyat ng pagpasok ng Pambansang watawat na pinangunahan ng Philippine Military Academy, kasabay ang pagpupugay at pag-awit ng Lupang Hinirang.
Pinangunahan naman ng mga Beterano ng Ikalawang Digmaang Pandaigdigan (WWII) at ilang miyembro ng Boy and Girl Scouts of the Philippines ang pabigkas ng Panunumpa ng Katapatan sa watawat ng Pilipinas.
Napuno ng makulay at makabuluhang pagtatanghal mula sa Tanghalan ng Saint Louis University ang isang makabagbag damdaming interpretasyon ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas.
Sinundan ito ng pambungad na mensahe mula kay Congressman Marquez O. Go. Nabanggit niya sa kanyang mensahe ang importansya ng selebrasyon na ito na hindi lang sa paggunita ng iba’t ibang bayaning nagsakripisyo para sa bansa upang makamit ang kalayaan kundi pati na din ang paggunita sa pagpapahalaga ng iba’t ibang karapatan ng bawat Pilipino at taunang panunumpa ng bawat isa sa pagiging responsible sa pangangalaga sa bansang Pilipinas.
“Ano nga ba ang tunay na kahulugan ng pagiging malaya? Maliwanag sa ating saligang batas ang malayang pamamahayag, malayang pakikisapi at malayang pagpili ng ating mga pinuno at iba pa.
Ang karapatan at kalayaang ito ay ang nagbibigay kahulugan sa ating buhay, nagbibigay kahulugan sa ating demokrasya at nagbibigay ng dignidad sa bawat isa,” ani Congressman Go sa
kanyang mensahe.
Nasundan din ito ng ilang mensahe mula sa iba’t ibang pinuno ng lungsod ng Baguio tulad ni Mayor Mauricio Domogan, Vice Mayor Edison Bilog at Councilor Elmer Datuin.
Taas-noong ipinagmalaki ng pangunahaing panauhin ng selebrasyon na si Police Regional Office-Cordillera (PRO-COR) director Israel Ephraim Dickson ang gilas at wagas na katapatan ng Pilipino sa bansa.
“Tayong mga Pilipino ay nakilala sa buong mundo dahil sa ating katapangan at lubos na pagmamahal sa ating bayan. Itong lupang sinilangan ay ang ating saksi at makakapagpatunay sa mga sakripisyo at kadakilaan ng ating mga ninuno kapalit ng ating kalayaan at karapatan,” ani Dickson.
Natapos ang selebrasyon sa isang parada na pinangunahan ng Philippine Military Academy at PRO-COR. Kabilang din sa lumahok sa parada ang mga opisyales at personnel ng city government, regional line agency heads, mga miyembro ng mga law enforcement agency, mga war veteran, mga government retiree, mga senior citizen at mga miyembro ng Association of Barangay Council.
Lilibot ang parada sa ilang pangunahing kalsada ng syudad kabilang na ang kahabaan ng Session Road.
 
Paul Brian Tulioc Baldoza, UC Intern/ABN

Amianan Balita Ngayon