Ika-68 foundation program, pinaghahandaan ng La Trinidad

LA TRINIDAD, BENGUET – Pinaghahandaan na ng bayan ng La Trinidad ang ika-68 foundation nito na gaganapin sa Hunyo 14 (Huwebes). Ang programa at iba’t ibang aktibidad ay gaganapin sa harap ng munisipyo at sa katabing gym.
Sa isang pulong ng komite, pinangunahan nina La Trinidad Mayor Romeo Salda, Vice Mayor Joey Jovencio Marrero at Councilor Teddy M. Quintos ang mga opisyal ng bayan sa pag-aayos ng mga aktibidad para sa foundation day.
Bilang mungkahi ni Vice Mayor Marrero, isinasaalang-alang ng komite ang araw ng Eid al Fitr ng mga Muslim (Hunyo 15)  kaya nagpasya sila na itakda sa ika-14 ng Hunyo ang programa.
Ang isa sa mga pinakaaabangan dito ay ang Golden Kayabang Awards na ginaganap taon-taon na kumikilala at nagbibigay ng parangal sa mga nagkaloob ng hindi pangkaraniwang kontribusyon para sa bayan. Magbibigay din ang munisipyo ng anim na special awards at may tatlong kandidato para sa ibang awards.
Ang “Shawat tan Owik” ay isa sa mga tradisyonal na kaganapan kung saan magsasama ang 16 punong barangay, senior citizens at mga opisyal ng bayan para sa pagsaksi ng ritwal na pagkatay ng baboy.
Kinumpirma ni ABC Representative Quintos na ang bawat barangay ay may isang baboy na ambag para sa okasyon habang ang munisipyo ang nakatalaga para sa iba pang kakailanganin.
Sa komite, nagboluntaryo din ang kompanyang Globe Telecom para sa pagtatayo ng mga booths at pagsabit ng mga tarpaulin ukol sa foundation day.
“La Trinidad towards greater heights” ang tema para sa taong ito.
Ang bayan ng La Trinidad ay una nang nakilala sa pagdaraos nito ng Strawberry Festival tuwing Marso at ang dinarayo ng mga turista na Stobosa Hillside Homes Artwork sa mga sitio ng Stonehill, Botiwtiw, Sadjap sa barangay Balili.
Ang selebrasyon ay pangungunahan nina Mayor Salda at Governor Crescencio Pacalso. Kalahok din si BSU President Feliciano Calora at ang BSU Dramatic Arts Club. DEBORAH AQUINO at JEZZA MAEH NAGAYOS, UC Interns / ABN

Amianan Balita Ngayon