Illegal mining sa Abra, pinahihinto

BANGUED, ABRA – Iniutos ni Governor Ma. Jocelyn Bernos ang tuluyang pagpapasara sa lahat ng ilegal na minahan sa kanyang nasasakupang lalawigan.
Sa pamamagitan ng executive order number 11, series of 2018, binanggit ni Bernos na “the mining industry not only put people’s lives in danger, it also brings destruction to ecology and environment.”
Nauna rito ay sinimulan ng Abra provincial government ang panukala na magkokontrol sa operasyon ng small scale mining sa lalawigan habang hinihintay ang pag-apruba sa mga aplikasyon ng Minahang Bayan.
Ang Abra ay isa sa mga binayo at sinalanta ng mga nakaraang malalakas na bagyo na nagdulot ng pinsala sa kapaligiran at mga ariarian na maaaring magdulot ng panganib sa buhay ng mga minero, patuloy na saad ni Bernos.
Ipinaliwanag ng gobernador na ang “no illegal mining declaration” sa Abra ay isang pagpapahayag ng paninindigan ng pamumuno ng provincial government na gagawin nito ang lahat nang makakaya upang maiwasan ang anumang trahedya na katulad ng nangyari sa minahan sa Itogon, Benguet.
Ang naturang executive order ay inilabas noong Martes (Setyembre 25). A.ALEGRE / ABN

Amianan Balita Ngayon