Kaunaunahang KAPEtirya sa bansa, inilunsad

LUNGSOD NG BAGUIO – Inilunsad ng DTI-CAR sa lungsod ang kaunaunahang KAPEtirya brand ng kapiterya sa Pilipinas noong Miyerkules, Marso 20 na may layong padamihin ang mga coffee outlet sa bansa para matulungan ang mga maliliit na negosyante at mga coffee farmer.
Ang paglunsad ay pinangunahan ni Department of Trade and Industry (DTI) regional director Myrna P. Pablo na dinaluhan ni DTI Secretary Ramon M. Lopez, ASEC Blesilda A. Lantayona, Mayor Mauricio G. Domogan, at iba pang mga kinatawan ng gobyerno at ng mga pribadong sector.
Ito ay ginanap sa Cordillera Crafts and Productivity Center sa DPS Compound, kung saan matatagpuan ang KAPEtirya at ang kaisa-isang One Town One Product (OTOP) hub na may KAPEtirya.
“Wala kaming ibang objective dito kundi ang matulungan ang mga maliliit na negosyante at magsasaka na siyang vision din ng ating pangulo na may napakalambot na puso pagdating sa bottom of the pyramid—ang mga mahihirap, mga maliliit na nahihirapan na sa buhay,” ani secretary Lopez.
Dagdag pa ni Lopez, “Gusto ni Pangulong Rodrigo R. Duterte na pagaanin ang kanilang buhay, to live a comfortable life. Kailangan maalalayan sila pag dating sa kanilang mga gawain.” Ang konsepto ng KAPEtirya ay ang pagpapalaganap ng Philippine brands ng kape, ani Lopez.
Kailangang itanghal ang tatak ng kape ng Pilipinas at maipakilala ito sa buong mundo, para mapadami ang Philippine coffee outlets at matulungan ang mga kababayang magsasaka dahil sila ang magsusupply ng kape sa mga outlet, dagdag pa niya.
“In the end, this redounds to alleviating poverty, especially to the farming sector,” ani Lopez. (Sa kalaunan, ito ay magiging lunas sa pagsugpo sa kahirapan, lalo na sa sektor ng mga magsasaka).
Ang Pilipinas ay number one na importer ng kape sa buong mundo, ayon kay Lopez. “Ibig sabihin, mahina pa ang produksiyon natin kaya tayo nag-iimport.
Mahalagang mapalaki natin ang supply at produksiyon natin ng kape, lalo na’t pag mapalakas na ang demand ng mga outlet (kapiterya), small and medium enterprise (SME) processors, at ng mga gumagawa ng kape dito sa bansa katulad ng Nescafe, URC at iba pa, ang demand nila ay dito na din manggagaling sa Pilipinas, imbes na importahin,” ani Lopez.
Sinabi ni Lopez na 80-90% ng iniimport ay instant coffee, at hindi kapiterya. Dumadami ang nasa middle class habang ang ekonomiya ng Pilipinas ay bumubuti at ang per capita ng Pilipino ay tumataas.
Nasasanay na ding kumakain sa labas ang mga tao, pati na ang pagkakape ay madalas sa labas na din. Nagiging lifestyle na ng marami ang mga coffee shop o kapiterya.
Mahigit 17,000 ang dami ng coffee shop sa bansa sa kasalukuyan ngunit ang merkado ay malaki din at ang trend ay patungo sa pagkain o pagmeryenda sa labas.
Noong mga nakaraang lima hanggang anim na taon, ang coffee brands sa CAR kabilang ang iba pang Philippine brand ay sa mga trade fair lamang naipakikilala.
“Dapat hindi pang-trade fair lang, dapat mainstream na nakikita kahit saan. Ito ang simula, at kapag na-perfect ang business model na ito, ang intensiyon ay ipa-franchise,” ani Lopez.
Sinabi din ni Lopez na mas madaling padamihin at palakihin ang kiosk concept. Mas maraming SME ang matutulungan, lalo na ang mga maliliit na gustong magnegosyo na wala pang naisip na
negosyo. Pwede nilang gawin ang franchise concept at dalhin ang government-owned “KAPEtirya” brand.
“Dito natin masasaksihan ang lalo pang pinaigting na public-private partnership-ang elemento na napaka-importante-isang konsepto na tried and tested,” ani Lopez.
Ginanap din ang Tripartite MOA signing sa pagitan nina Mayor Mauricio G. Domogan, Councilor Michael Lawana, at DTI regional director Myrna P. Pablo pagkatapos nailunsad ang KAPEtirya.
 
MJSdelRosario kasama si Gabrielle Dominique F. Daludado, UB Intern/ABN
 

Amianan Balita Ngayon