Drug den sa Baguio, sinalakay 3 nahuli

BAGUIO CITY – Dalawang high value drug personalities at isa pa nilang kasama ang inaresto sa ipinatupad na search warrant operation sa isang transient house sa Cariño Street, Upper QM noong Miyerkules ng umaga, Marso 20, 2019.
Ang tatlong suspek ay kinilalang sina Angel Sto. Domingo Francisco alyas “Anghel”, edad 50; Eugene Ramos Bacani, edad 43; at Louie Lumpian Bacani alyas “Oweng”, edad 21.
Si Angel Francisco at si Eugene Bacani ay parehong nasa target list ng lungsod samantalang si Louie Bacani naman ay bumisita lamang.
Nagsamang pwersa ang provincial offices ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA-CAR) at PDEA Baguio, kasama ang PNP BCPO Station 5 at NBI-CAR sa pagpapatupad ng search warrant sa tatlong suspek.
Habang isinasagawa ang operasyon, si Eugene at si Louie Bacani ang inabot ng mga operatiba sa drug den kaya agad silang naaresto.
Sa kalaunan ay nadiskubreng ang dalawa pala ay mag-ama, at parehong naninirahan sa Aurora Hill, Baguio City.
Nakumpiska sa mga suspek ang anim na sachet ng hinihinalang shabu, limang sachet na nakapaloob sa kaha ng sigarilyo, at isang sachet sa possession ni Bacani.
Ang mga nakumpiska ay may market value na PhP20,400.00. Kabilang din sa mga nakumpiska sa kanila ay mga drug paraphernalia na mga glass pipe, tooter, aluminum foil, timbangan, gunting, mga plastic na sachet, at isang Samsung mobile phone na pinaniniwalaang ginamit sa mga illegal na transaction.
Ang mga suspek ay sasampahan ng kaso sa paglabag ng RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Gabrielle
 
Dominique F. Daludado, UB Intern and MJSdelRosario/ABN
 

Amianan Balita Ngayon