KWF, naglunsad ng 12 aklat ukol sa wika, panitikan at kultura

LUNGSOD NG DAGUPAN, Pangasinan – Pinangunahan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang isang virtual press conference noong Miyerkules, Agosto 18 ukol sa Paglulunsad ng Aklat ng KWF Publikasyon. Ayon kay Dr. Arthur Casanova, tagapangulo ng KWF, ang labindalawang (12) aklat ay may ibat-ibang paksa sa larangan ng wika, panitikan at kultura.
“Nakatutuwa na kahit tayo ay nagdanas ng pandemya, ang KWF ay nakapaglimbag ng mga makabuluhan at makahulugang mga aklat na nagbibigay-diin sa kultura at wika mula sa iba’t ibang kultural na pamayanan,” ani Casanova sa virtual press con.
Aniya, marami sa aklat ay tumatalakay at gumagamit ng iba’t ibang genre – tulad ng maikling kwento at dulang pambata; hinggil sa kritisismo sa panitikan; at ang iba ay may kaugnayan sa mga pangyayari sa ating wika at panitikan.
Inaasahan naman ng Komisyon na muli silang makapaglimbag ng mga bagong aklat bago matapos ang taong ito.
Ayon sa KWF, layunin ng paglunsad ng mga aklat ay upang maiparating sa mas malawak na audience o pagtangkilik ang mga nilalaman nito sapaglat ang KWF ay hindi lamang nakatuon sa pagpapalawig ng wika kundi maging sa pagtuturo ng literasiya.
Kabilang sa mga nakibahagi sa pambansang paglulunsad ay mga mamahayag sa Pangasinan at ang mga public libraries ng Dagupan City at Pangasinan provincial government.
(VHS-PIA Pang/ABN)

Amianan Balita Ngayon