“Ligtas na Pilipinas ating kamtin, bawat pamilya ay sanayin, kaalaman sa sunog ay palawakin”

Editorial

Wala pang dalawang buwan mula nang mag-umpisa ang taon ay nakapagtala na ang Bureau of Fire Protection (BFP) ng mataas na bilang ng insidente ng forest fire sa Cordillera, sanhi ng “kaingin” kumpara noong 2018.

Mula Enero 1 hanggang Pebrero 23 ay meron nang 55 na kaso ng forest fire kung saan ayon sa datos ng BFP–CAR at hanggang ngayon ay may panaka-nakang pag-ulit ng sunog sa mga naunang ulat sa Ampucao, Itogon, Benguet noong Pebrero 20, kung saan namatay pa ang limang katao,apat dito ay forester ng Philex Mining Corporation.

Noong Enero 31 ay nasunog ang nasa mahigit apat na ektarya ng grassland at vegetation ng Akiki Trail area ng Mount Pulag sa Kabayan, Benguet na nagtagal ng isang linggo bago ito napahupa.

Pebrero 2 naman ay nasunog ang dalawang ektarya sa Mount Yangbew sa La Trinidad, Benguet.

Sumunod noong Pebrero 5 ay nasunog din ang apat na ektarya sa Barangay Ampusongan, Bakun, Benguet.

Ilan pang sunog sa kagubatan ang naitala sa ibang probinsiya sa Cordillera.

Noong nakaraang taon ay may kabuuang 20.880 ektarya ng gubat ang nasunog sa 151 insidente ng forest fire, karamihan o halos lahat ay dahil sa kaingin.

Ang BFP, bilang ahensiya ng gobyerno ay may mandatong hadlangan at supilin ang lahat ng uri ng mapanirang sunog, imbestigahan ang mga sanhi nito, ipatupad ang mga batas na may
kinalaman sa sunog at magbigay ng emergency medical at rescue services kung saan dapat nakaangkla ang lahat ng aktibidad para sa Fire Protection Month, tungo sa kaligtasan ng sambahayan sa sunog sa pamamagitan ng paghatid ng mga makabagong programa at mga aktibidad upang udyukan ang publiko na mag-ingat sa sunog at ang kaligtasan dito ay kapakanan ng lahat.

Tumataas ang temperatura habang papalapit ang tag-init at mas marami pang (huwag sana) sunog ang inaasahan sa kabuuan ng buwan lalo na sa mga kumunidad na maraming bahay na gawa sa kahoy.

Ang buwan ng Marso ay tradisyunal na nakakapagtala ng pinakamataas na bilang ng sunog kaya nagtulak sa mga awtoridad na ideklara itong Fire Prevention Month sa bisa ng Presidential
Proclamation No. 115-A.

Marami sa mga sunog ang maaaring maiwasan at ayon sa mga opisyal ng BFP, ang tatlong pangunahing sanhi ng mga sunog sa bansa ay mga depektibong electrical connection, may sinding upos ng sigarilyo na walang pag-iingat na basta-basta na lamang itinatapon, at mga nakakaligtaang apoy sa mga lutuan.

Nangyayari ang mga aksidente ngunit maaaring maiwasan ang sunog sa mga simpleng pagiingat. Ang pagtugon ng mga commercial at industrial establishment sa fire safety codes para sa kaligtasan ng mga buhay at pag-aari; ang paggamit ng mga smoke alarm, fire extinguisher, tama at maayos na mga koneksiyon ng kuryente at fire exit ay mga rasonableng kinakailangang gawin.

Sa kabahayan ay kailangang ingatan ang paggamit sa mga kandila gayundin ang mga gadget at appliance na gumagamit ng elektrisidad at apoy.

May mga kaso rin ng pagsabog ng mga battery charger na nagdudulot ng sunog.

Makibahagi tayo, makipag-kaisa at maging responsable. Huwag nating ilagay sa panganib ang ating mga buhay o mga ari-arian maging ninuman.

Lagi nating pakaisipin ang ilang munting paalala upang maiwasan ang sunog sa bahay. Mag-ingat sa pagluluto at huwag hayaang nakasindi ang lutuan na hindi binabantayan.

Iwasan ang paninigarilyo sa loob ng bahay at dapat itapon nang maayos ang mga upos ng sigarilyo at siguruhing wala nang sindi ito. Siguruhing regular na nasusuri ng isang professional electrician ang mga de-kuryenteng gamit.

Bantayan ang mga nakasinding kandila at huwag ilapit sa mga madaling masunog na bagay at lalo na, ilayo sa mga bata ang mga bagay na lumilikha ng sunog.

Ang Fire Prevention Month ay dapat magsindi sa kamalayan ng publiko sa mga kahihinatnan ng kawalang-ingat.

Magbigay mulat sana ang espesyal na buwang ito para pag-ibayuhin pa ang kapabilidad sa pamatay-sunog ng bansa.

Sa kabila ng patuloy na pagpupursige upang mapataas ang antas ng mga kagamitan sa pamatay-sunog ay nananatiling hindi sapat ang kapabilidad kahit pa sa mga mayayamang lungsod.

Dahil kapag sapat ang kakayahan, kapabilidad at kagamitan, kahit ang isang munting tilamsik ay hindi kinakailangang maging dambuhalang apoy na dahilan ng pagkawala ng buhay at mga
ari-arian.

Sabi nga nila, “manakawan ka na ng ilang beses, huwag ka lang masunugan ng kahit minsan lang.”

Sa taong ito, ang tema ay “Ligtas na Pilipinas Ating Kamtin, Bawat Pamilya ay Sanayin, Kalaaman sa Sunog ay Palawakin.”

 

PMCJr.