Lote para sa expansion ng provincial hospital, nais bilhin ng Ilocos Norte

LUNGSOD NG LAOAG – Upang mapabuti ang pasilidad ng Gov. Roque B. Ablan Sr. Memorial Hospital, hangad ng pamahalaan ng Ilocos Norte na makuha ang bahagi ng katabing lote para sa pagpapalawak sa ospital sa hinaharap.
Ayon kay Provincial Board Member Vicentito Lazo, bilang chairperson ng committee on laws, noong Agosto 9, “in order to perfect the land title of the provincial hospital, there is a need to secure a portion of a private lot which is currently occupied by the provincial hospital.”
Inilahad ni Lazo na sa pagitan ng 2007 hanggang 2010, sumailalim sa improvement ang provincial hospital at mayroong ilang ipinatayong istruktura na sumakop sa isang pribadong lote.
“When we built some structures at the hospital, some were built on a private lot—owned by three persons. To perfect our title, we need to acquire this parcel of land,” aniya.
Habang nakabinbin pa ang negosasyon sa mga may-ari ng pribadong lote, hindi pa malinaw kung ilan ang kabuuang land area na planong bilhin ng pamahalaang panlalawigan para sa expansion ng ospital.
Bilang pagsang-ayon sa mungkahing ito, ipinagkaloob ng mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan (SP) ang otoridad kay Governor Imee Marcos o mga authorized representatives upang makipagnegosasyon sa mga may-ari ng Lot No. 37860, diumano’y pag-aari ng Suguitan family sa lungsod. L.ADRIANO, PNA / ABN

Amianan Balita Ngayon