Lupa ng GSIS, nais bilhin ng Baguio para gawing parking area

Ipinahayag ni Mayor Mauricio G. Domogan ang pagnanais ng pamahalaang lungsod na bilhin ang hindi nagagamit na pag-aari ng Government Service Insurance System (GSIS) sa Marcoville upang magamit sa pangangailangan ng lungsod lalo na sa parking area.
Ipinaliwanag ng alkalde na ibinalik na niya sa konseho ang naaprubahang resolusyon na humihiling kay Pangulong Rodrigo R. Duterte na tumulong upang makumbinsi ang GSIS na ibenta ang naturang lugar kaysa ipaupa lamang na gaya ng nakasaad sa resolusyon.
Sinabi ng mayor ang pagnanais na mabili ang GSIS property sa Marcoville barangay, kasama na ang tree park sa tabi ng Baguio Convention Center, na gagamitin na parking area habang ang tree park ay mananatiling makahoy na lugar at magsisilbing bahagi ng environmental preservation at protection program ng gobyerno.
“We want to be given the priority to purchase the GSIS property to maximize its use through the put up of a multi-level parking structure that can accommodate both private and public motor vehicles thus contributing in efforts to decongest the central business district area and provide the public with alternative parking areas,” ani Domogan.
Bilang tugon ay sinabi ng GSIS na ang halaga ng naturang pag-aari ay mahigit P446 milyon batay sa kasalukuyang fair market value nito at hinihintay ng lungsod ang counter-offer nito.
Sinabi ng mayor na hihintayin ng pamahalaang lungsod ang hakbang ng GSIS sa naunang proposal na bilhin ang naturang pag-aari dahil mayroon nang inisyal na transaksyon sa pagitan ng lungsod at ng state insurance corporation sa pagbili ng Baguio Convention Center na natapos ilang taon na ang nakalipas.
Noong 2004, ang GSIS, lokal na gobyerno at Bases Conversion and Development Authority (BCDA) ay lumagda sa isang tripartite agreement para sa pagbili ng lungsod sa convention center mula sa GSIS gamit ang bahagi ng lokal na gobyerno sa lease rentals ng John Hay Special Economic Zone bilang down payment.
Nagawa ng lokal na gobyerno na ariing buo ang Baguio Convention Center matapos nitong mabayaran lahat ng obligasyon, multa at surcharge noong 2012. BAGUIO PIO / ABN

Amianan Balita Ngayon