MAHIGIT 8K PULIS MAGBABANTAY SA ILOCOS REGION PARA SA OCT. 30 BSKE

Nasa 8,133 police personnel ang itinalaga sa buong Ilocos Region upang masiguro ang kapayapaan at kaayusan bago ang Oktubre 30 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE). Sa isang forum na pinangunahan ng Philippine Information Agency noong Huwebes, sinabi ni Police Regional Office 1 (PRO 1) Lt. Col. Benigno Sumawang, assistant chief at Regional Community Affairs Development Division, na nakapaglagay na sila ng 12,623 checkpoints mula ng magumpisa ang election period.

Sinabi niya na ang puwersa ng pulis na magbabantay sa halalan ay kabilang ang 453 personnel na hinugot mula sa kanilang schooling upang magserbisyo. Nagtalaga rin ang Armed Forces of the Philippines ng 347 personnel habang ang Philippine Coast Guard ay nagposisyon din ng 106
personnel bilang augmentation force.

Sinabi ni Sumawang na mayroon silang quick response teams na tututok sa 61 barangay na isinailalim sa yellow category o kasama sa mga lugar na tinukoy bilang areas of concern dahil sa mga insidente na may kaugnayan sa eleksiyon at matinding tunggalian sa pulitika. Samantala, sinabi ni Sumawang na nakaaresto na sila ng 40 lumabag sa gun ban at nakakumpiska ng 53 baril sa iba’t-ibang operasyon sa buong rehiyon.

(HA-PNA Ilocos/PMCJr.-ABN)

Amianan Balita Ngayon