‘Market Encounter’ huwag gawing lugar ng engkuwentro

Editorial

Sa pamamagitan ng Resolution No. 30, series of 2019 ay ipinahayag ng mga miyembro ng konseho ng lungsod ng Baguio ang kanilang mariing pagtutol at di pagsang-ayon sa pagdaraos ng isang trade fair o market encounter sa skating rink area at sa nakapalibot na tree park sa Burnham Park. Ang market encounter ay bahagi ng selebrasyon ng Panagbenga.

Nagkaisa ang lahat ng 12 councilors na bumoto ng “no” na nagpahayag ng pagkadismaya sa sukdulang pagwawalang-bahala   sa mga probisyon ng umiiral na mga batas at ordinansa ng mga organizer ng market encounter o trade fair. Tanging si Councilor Elmer Datuin na siya ring umuupong Baguio Flower Festival committee chairman ang pumabor at isa ang absent sa ginawang session.

Naniniwala ang mga councilor na may paglabag sa Environment Code at masisira lamang ang nasabing parke. Ipinagdiinan sa resolusyon ang mga probisyon ng Ordinance 13, series of 2012 o   ang naamiyendahang Baguio City Trade Fair Ordinance na, “totally disallows the conduct of trade fairs and other similar activities in all city-owned or city-managed public parks, including government owned and controlled properties and facilities”; “Ordinance 18, s. 2016 or the environment code of the City of Baguio, which gives exemptions to the conduct of recreation, tourism, and economic
activities in safeguarded landscapes in relation to institutionalized/special events of the city provided it is organized or cosponsored and with approval by the local government unit concerned”; at ang Local Government Code of 1991. Hiniling din sa trade fair organizers na baklasin ang lahat ng display tents/stalls na nakalatag na sa pinagtatalunang lugar at ilipat sa mas akma at pinahihintulutang lugar.

Hindi pinirmahan ni Mayor Mauricio Domogan ang nasabing resolusyon ng konseho ng lungsod at sa kaniyang mensahe ng pagbeto noong Enero 28 ay sinabi niyang hindi nilalabag (Market Encounter) ang Environment Code at tinukoy niya ang section 14 ng Ordinance No. 18- 16 na nagpapahintulot sa pansamantalang pagsasara ng protected landscapes para sa mga aktibidad na isasagawa kaugnay sa institutionalized activities organized o co-sponsored ng pamahalaang lungsod. Ipinaalala rin ng mayor sa konseho ang isang lumang Resolution No. 11A series of 2014 na binibigyang-linaw ang intensiyon ng trade fair na sa pagsasagawa ng ‘Market Encounter’ at ‘Session Road in Bloom’ sa Burnham Park at Session Road sa selebrasyon ng Panagbenga 2014 ay hindi rin ito sakop ng Trade Fair Ordinance dahil ang pamahalaang lungsod
ang nagsasagawa gayundin ng BFFI sa bisa ng isang aprubadong resolusyon ng konseho ng lungsod.

Ipinaalala pa ni Mayor Domogan na ginamit na ang Skating Rink area para sa Baguio Bloom noon at hindi naman daw ito nasira at wala nang makitang ibang lugar na paglilipatan para sa aktibidad na dating isinagawa sa Lake Drive at Juan Luna Drive sa Burnham Park. Hiniling na lamang ng mayor sa konseho na ikonsidera ang kanilang desisyon at suportahan na lamang ang Trade Fair sa skating rink dahil malaking karagdagang pondo ang nakuha para   sa mga papremyo at subsidiya sa mga kalahok. Umabot sa P13.4 milyon ang nanalong bidder sa nasabing trade fair na siya ring nagpatakbo noong nakaraang taon na tinutulan din ng konseho ang pagdaragdag ng may 240 stalls.

Ang hindi pagkakasundo ng lehislatura at ehekutibo, konseho at pamahalaang lungsod ay hindi na bago dahil sa maraming isyu at pagkaka-ibayo at pagkakaiba ng mga interes, pulitikal na pananaw at partido. Tunay na hindi dapat maantala at wala nang puwang para maudlot ang isang bahagi ng selebrasyon ng Panagbenga na isa sa pinakadinarayo at nagbibigay prestisyoso sa lungsod, maliban pa sa malaking kita dito. At dahil panahon ng halalan ay hindi rin sana gawing paraan ito para maisulong ang interes ng mga kandidato dahil bawal ang “epal” sa Panagbenga