MGA BANTA SA BANSA, DAPAT AGAPAN!

Sa kasalukuyan, napakaraming mga banta sa ating bansa ang dapat pagtuunan ng pansin at agapan bago lumala. Mga problemang hanggang sa kasalukuyan ay nagbabanta sa kabila ng mga pagkalatag ng mga solusyon. Ating halukayin, mga pards: Una sa lahat ay ang seguridad ng ating bansa laban sa lantarang panghihimasok ng bansang Tsina. Matagal na ang problemang ito hanggang humantong sa panghihimasok at pag-aangkin ng Tsina sa ating teritoryo. Ayon sa ating
mapa, atin ang sinasakup na West Philippine Sea. Sabi naman ng Tsina, kanila. Alin ba ang totoo.

Kung hindi ito maitutuwid sa panahong ito….lulubo pa ang ating problema. Buti na lamang at may “balls” ang ating Pangulong PBBM na kumasa. Katunayan ay limang araw siyang makikipag-ugnayan kay US Pres. Joe Biden at isa ang WPS sa kanilang tatalakayin. May mga pangakong tulong si Pres Biden sa pamamagitan ng military modernization upang maibsan ang ating pagalala at harinawang makatulong nga sa paglutas ng gusot sa West Philippine Sea.

Sa kabilang dako…may banta din bagong PNP Chief Benjamin Acorda Jr. sa hanay ng kapulisan na kanyang kakastiguhin ang mga dekalawang o scalawag na miyembro ng PNP mula sa balasahan hanggang sa sibakan lalo na sa isyu ng illegal na droga. Matagal na ang problemang ito. Kada bagong pamumuno, bagong pangako. So, panibagong pangako na naman ng paglilinis ang say ng
bagong hepe. Tanong: kailan kaya tunay na malilinis ang PNP. Sana’y pakakitaan nga ng “paglilinis” ang bagong hepe.

Isa pang banta ay ang pinangangambahan ng DOH na muling paglubo ng mga kaso ng mga nagpopositibo sa Covid-19. Matatandaan na ibinaba na ang alerto nang bumaba ang kaso ng mga nagpositibo. Ngunit makalipas lang ng mga okasyon mula Disyembre hanggang Semana Santa…biglang nagtriple ang bilang. May banta nga na kung hindi natin susundin ang sinasaad ng health
protocol, baka aabot tayo sa mahigit isang libo kada araw ang may tama ng Covid-19. Ang dahilan: marami ulit ang mga pasaway. Ibig sabihin, tayo rin ang dahilan. Sana ay magkaraoon ng malasakit ang bawat isa upang maiwasan ang pagkalat muli at paglala ng Covid-19 sa ating bansa.

Sa kasalukuyan, nagbabanta na rin ang tag-tuyot o El Nino. Ramdam na sa maraming lugal. Maraming natutuyo na mga sakahan dahil sa kakulangan sa patubig. Bumababa na rin ang lebel ng
tubig sa mga dam. May mga nagkakasakit at namamatay dahil sa sobrang init. Madalas na rin ang brown-out. Ayon sa PAGASA, itinaas na ang babalang El Nino Watch sa El Niño Alert na papasok o
mararanasan mula Hunyo hanggang Agosto 2023 at maaaring maranasan hanggang unang tatlong buwan ng 2024. Sa mga panahong eto, asahan ang madalang na pag-uulan at kakulangan sa tubig.

Sabi naman ng mga apektadong lugal…sana ay magkaroon ulit ng mga cloud seeding . Haay naku…ilan lang sa mga ito ang mga banta sa ating bansa na dapat maagapan. Tayong lahat ay dapat
magkakatuwang sa paglutas ng mga problema. Matuto din tayong magmalasakit sa kalikasan, sa gobyerno, sa ating kapwa, at sa ating sarili. Adios mi amor, ciao, mabalos.

Amianan Balita Ngayon