Mga empleyado ng BCC nag-donate ng 10,800cc ng dugo

LUNGSOD NG BAGUIO – Sa gitna ng kasalukuyang enhanced community quarantine dahil sa COVID-19, ang mga empleyado ng Baguio Country Club (BCC) ay tumugon sa panawagan ng Philippine Red Cross (PRC) Baguio City Chapter para sa blood donation na nakapagbigay ng 24 units o katumbas ng 10,800 cc ng dugo.

Sa ngalan ng Red Cross Baguio, lubos na nagpapasalamat si Annie Tamayo, PRC Baguio administrator sa mga blood donors ng BCC lalo na sa panahon ngayon kung saan 1,000 bloodletting activities sa buong bansa ang ipinagpaliban dahil sa ECQ.

Sinabi ni Tamayo na nakatanggap sila ng maraming pangangailangan ng dugo ngunit hindi nila kayang tugunan ang kahilinbgan dahil walang stock sa blood bank.

“Our blood bank is depleted and we are calling for more kind-hearted individuals to please donate. We urge walkin blood givers to come at PRC office, we are open 24 hours,” aniya.

Ipinaliwanag ni Dr. Jasmin Reyes-Igama, cancer and blood disease specialist at isang dating Red Cross-Baguio board of director na ang regular na pag-donate ng dugo ay nabebenipisyuhan hindi lamang ang nakatanggap kundi pati ang nagbigay din.

Natutulungan ang nagbibigay ng dugo na magbawas ng sobrang calories at mapapababa rin cholesterol level.

Matapos mag-donate ng dugo, ang bilang ng blood cells sa katawan ay nababawasan kung saan pinapasigla ang bone marrow na gumawa ng bago, fresh blood cells upang mapalitan ang nawala, ayon kay Igama.

Binabawasan din ng blood donation ang panganib ng sakit sa puso at binibigyan ang donor ng pagkakataon na magkaroon ng libreng pagsusuri sa blood pressure at cholesterol levels – dalawang pangunahing risk factors ng sakit sa puso.

Nagkakaroon din ng pagkakataon ang mga donor ng libreng screening ng kanilanbg blood type, dagdag niya. Sinabi ni Andrew Pinero, isang empleyado ng BCC at regular na blood donor na ang pagbibigay ng dugo ay isang paraan upang matulungan ang mga nangangailangan ng dugo lalo na sa mapaghamong panahon ngayon.

JBZ-PIA-CAR/PMCJr.-ABN

Amianan Balita Ngayon