Mga imbentor na Ilokano, hinimok na itanghal ang mga likha

LUNGSOD NG LAOAG – Hinihikayat ng Department of Science and Technology (DOST) ang mga local inventors mula sa iba’t ibang bahagi ng Region 1 (Ilocos Region) na ipakita ang kanilang mga imbensiyon sa darating na 2018 National Inventors Week (NIW) sa Nobyembre 20 hanggang 23 sa Teatro Ilocandia, Batac City.
Ayon kay DOST-Ilocos Norte Director Joven Viernes na inaasahan ng ahensiya ang halos 50 exhibitors upang ipakita ang kanilang locally invented products sa tatlong araw na kaganapan at tinatawag na “Inventrepinoy for sustainable growth and prosperity”.
Binuo ng DOST at sa pakikipagtulungan ng Filipino Inventors Society Producer Cooperative, Technology and Application and Promotion Institute (TAPI), Mariano Marcos State University (MMSU), provincial government ng Ilocos Norte at ng Lungsod ng Batac.
Sinabi ni Viernes na ang taunang pagdiriwang ay layong ipakita ang kakaiba at marketable na mga imbensyon ng mga Pilipino para sa komunidad. Itatampok dito ang mga technology at invention exhibits, technology fora, training at workshop, bazaar at iba pa.
Itatampok din sa nasabing okasyon ang workshop para sa entrepreneurship at financial management para sa mga interesadong participants.
Ang technology fora ay magtatampok ng bahagi ng State Universities and Colleges at Higher Education Institutions sa paghuhulma ng mga inventor-entrepreneurs tungo sa matatag na pagpapaunlad ng ekonomiya, bahagi ng local government units sa paglinang ng mga lokal na imbentor upang maging makabagong “inventrepinoy” o inventor-entrepreneurs, mga kwento ng tagumpay ng mga imbentor, at fund sourcing bukod sa iba pa. L. ADRIANO, PNA / ABN

Amianan Balita Ngayon