Mga opisyal ng barangay pinaalalahanan sa implemnentasyon ng ECQ

LUNGSOD NG BAGUIO – Pinapaalalahanan ang mga opisyal ng 128 barangay sa Lungsod ng Baguio ng kanilang tungkulin na mahigpit na ipatupad ang mga alituntunin ng enhanced community quarantine (ECQ) sa kani-kanilang hurisdiksyon.
Sa Memorandum No. 38 na inisyu noong Lunes (Abril 6), ipinagdiinan ni Mayor Benjamin Magalong sa mga opisyal ng barangay na pinapayagan silang maglagay ng checkpoints sa mga pasukan ng kanilang barangay at interior roads sa ilalim ng superbisyon ng PNP.
Sinabi ng mayor na ito ay upang mamonitor ang pagsunod ng mga residente sa Home Quarantine Pass requirement at 24-oras na curfew.
“All Punong Barangays are directed to coordinate with the Baguio City Police Office stations having jurisdictions over their areas for guidance on checkpoints,” ani Magalong sa kaniyang memorandum.
Inisyu ng mayor ang memorandum matapos makatanggap ng ilang ulat ukol sa diumano’y maluwag na implementasyon ng mga alituntunin sa general curfew at pag-alis ng mga residente sa kanilang bahay na walang kaukulang quarantine pass o sa mga araw na kasama sa nakatakdang pamamalengke.
Napansin din ni Magalong na ilang mga residente ay nakakagala pa sa kanilang barangay na walang pakialam sa alituntunin ng quarantine.
JMPS-PIO/PMCJr.-ABN

Amianan Balita Ngayon