Mga punong barangay sa CAR, hinamong maging mahusay at epektibo

LUNGSOD NG BAGUIO – Hinamon ni Mayor Benjamin B. Magalong ang mga opisyal ng barangay sa Cordillera na maging totoo, mahusay at epektibong pinuno sa kani-kanilang mga pamayanan noong Barangay Congress/General Assembly ng Liga ng mga Barangay- Cordillera sa CAP Building ng Camp John Hay dito, noong Biyernes, Agosto 23, 2019.
Ang nasabing general assembly ay may temang “Barangays: Our Partners Towards a Greater Cordillera”. “A barangay official does not need a fancy title like a PhD or be an attorney, doctor or general to become a leader.
What they need to become true and effective leaders are their sincere and full commitment to serve their constituents, to lead by example and sacrifice their needs for others” (Ang isang opisyal ng barangay ay hindi nangangailangan ng magarbong titulo katulad ng PhD at di din kinakailangang maging isang abogado, doktor o heneral para maging pinuno.
Ang kailangan nila para maging mga totoo at epektibong pinuno ay ang kanilang taospuso at buong katapatan na paglingkuran ang kanilang mga nasasakupan, at ang mamuno sa pamamagitan ng pagpapamalas ng ehemplo at pagsakripisyo ng kanilang mga pangangailangan para sa iba), ani Magalong.
Sinabi din ni Magalong na mula umupo siya bilang pinakamataas na pinuno ng Summer Capital noong Hulyo, siya ay naging masigasig at regular niyang sinubaybayan ang 128 na barangay sa lungsod upang pag-aralan ang kanilang mga pangailangan at pahusayin ang mga opisyal nito.
Kanya ring binigyang-diin ang katotohanan na ang mga opisyal ng barangay ay may mga malalaking responsibilidad sa kanilang mga balikat at paminsan-minsan ay binabalewala lamang ng kanilang mga nasasakupan.
“I believe that barangays can only achieve good local governance if they have empowered and effective leaders. They should not act as officials but rather as leaders in their communities” (Naniniwala ako na makakamtan lamang ng mga barangay ang mabuting pamamahalang lokal kung sila ay may mga mahuhusay at epektibong pinuno. Hindi sila dapat kumilos bilang mga opisyal kundi bilang pinuno ng kanilang mga pamayanan), paliwanag ni Magalong.
Bago pa magkaroon ng general assembly ay inatasan ni Magalong ang mga department head ng city hall na bumisita sa dalawang barangay kada linggo at maggugol ng kalahating araw sa bawat barangay para alamin ang kanilang pangangailangan at kung paano sila matutulungan ng pamahalaang lungsod para sa ikabubuti ng kanilang pamayanan.
 
Gaby Keith, PIO-Baguio/MDRABN

Amianan Balita Ngayon