Mga tanong at kailan ang sagot!

Patung-patong ang mga kontrobersiya sa ating lipunan ngayon. Sa halip na makitang solve na ang mga naunang kontrobersiya, hindi, kundi marami pang lalo ang pumatong. Kung hahalukayin natin ang mga ito, baka tapos na ang impeachment ni CJ Sereno at baka may Federalismo na sa bansa, di pa tapos ang paghuhukay natin sa mga tinamaan nang lintek na mga kontrobersiya. Pero, sige, subukan nating bungkalin ang mga malas na mga yan.

******

Di pa man nalilinawan noon ang isyu ng kontrobersiyang Malampaya, agad sumunod na halos sumabay pa ang PDAP at DAP.  Katunayan dahil sa PDAP, di ba may mga senador ang nakulong? Pero ang tanong: nasaan na ang mga nasa listahan noon na dawit sa PDAP scam? Bakit naglahong parang bula at di na nauungkat sa ngayon? Tapos, pumiyok naman ang marami nang bumulaga ang scam sa DAP.  Kesyo may mga nagkamal daw ng limpak na salapi upang kumampi lang sa gusto noon ng ilang opisyal ng gobyerno para matanggal sa puwesto ang isang mataas na opisyal. Nagkalagayan daw, pards.  Tanong: bakit tahimik na ang kontrobersiya?

******

Sumunod ang isyu ng illegal na droga. Nagkaroon ng Tokhangan.Parang hinalong tahong sa kangkongan ang mga dawit sa droga. Marami ang nahuli, narehab at napatay (dahil lumaban daw). At dahil sa bilis ng imbestigasyon hinggil sa mga kakuwanan sa droga, di ba isang sekretarya ng DOJ ang nakulong kahit pa naging senadora  na siya?  Ngayon, may panibagong Tokhang na naman. Sa ilang araw lang, mahigit na sa isandaang katao na dawit sa droga ang tepok.  Tiyak tataas pa ang bilang na yan habang marami pa ang mga suspect na dapat mapuksa. Tanong: kaya kayang tapusin ni Pres. Duterte ang problema sa illegal na droga sa loob ng kanyang termino? At kung sakaling di niya matapos, ano kaya ang susunod na mangyayari sa Pilipinas?

******

Para namang singaw na sumulpot ang isyu ng Dengvaxia. Grabe ang bakbakan at upakan. Nagturuan kung sino ang dapat managot. Natural, kanya-kanya ng hila ng sariling buntot. Kanya-kanyang diskarte at patutsada.  Naglabasan na ang baho, pards. Nakakagulat na katotohanan sa likod ng pagdami naman ng mga napapaulat na namamatay na naturukan daw ng dengvaxia. Umabot na nga sa Kongreso ang hearing pero di pa tapos. Tanong: may malalaking isda kayang mapapanagot sa pangyayaring ito? O baka naman mga sisiw lang ang mapipisa? At halos kasabay nito, bumanat naman ang impeachment kay CJ Sereno. Di ba, appointee siya ni Ex-Pres. Noynoy? Tiyak,  magpapabaya  ang team nila upang saklolohan si Madam, di ba? Diyan nga nagkakaroon  ng mga  pasaringan ng magkabilang panig eh. Tanong: maaalis kaya si CJ sa puwesto sa pamamagitan ng impeachment, kudeta sa korte suprema o mabalewala ang kanyang appointment?

******

Pumutok din ang kontrobersiya sa joint exploration venture diumano ng Pilipinas at ng China. Marami ang pumiyok at meron ding pumabor. May nagsabing, delikado. Sagot ng kabila, ayos lang kasi sa ilalim pala ng mga kontrobersiyang isla (na sakop ng Pilipinas) sandamukal palang langis ang meron diyan.  Hmmm… kaya pala pinag-aagawan. Tanong: matutuloy kaya ang exploration? Hindi kaya ito sasablay?  Ito kaya ang dahilan kung bakit kamakailan, nandito na naman ang warship ng Estados Unidos? Haayy buhay, marami pang tanong ang inihahanap natin ng tamang kasagutan. Ngunit parang malabo sa panahong ito, sabi nila. Idalangin na lang natin na sana kapag may kasagutan na ay hindi pa huli ang lahat. Adios mi amor, ciao, mabalos.

Amianan Balita Ngayon