“MINSAN DILAT, KADALASA’Y NAKAPIKIT ANG OTORIDAD SA CAGAYAN VALLEY REGION”

Agad tumigil ang sugalang “dice games” ni Jerry Melad sa barangay San Gabriel, Tuguegarao City nang umusok ang pagtuligsa sa wari’y sabwatan nila ng kapulisan at lokal na pamahalaan dahilan
kung bakit nagpapatuloy ang sugalan sa lungsod. Saludo kay Cagayan Valley region police director Brig. Gen. Percival Rumbaoa, Cagayan police director Col. Julio Gorospe at Tuguegarao City police director Lt. Col. Richard Gatan dahil binigyang halaga ang panunuligsa ng mamamayan sa “anti-social” na mga gawain na nagbubunsod ng iba pang mga suliranin sa komunidad at pamilya sa lugar.

Hindi na rin ba masikmura ni Tuguegarao City mayor Maila Ting Que ang “social ill” na naturan, kung kaya’t napilitang pulungin ang mga pulis sa kanyang nasasakupan upang sugpuin itong
operasyon ni Jerry Melad? Isinara rin ang operasyon ni Elmo Balisi at Edmund Tamayao sa Balzain East na likod mismo ng George Bar, na dati nang namayagpag noong panahon pa ng dating pamahalaang lungsod. Sa kabilang probinsya ng Isabela, napasara din ang matagal nang pasugalan (drop ball, cara y cruz, salisi) ni “Ace” sa “Helera” sa Divinan street sa Santiago City.

Hindi matanto kung gaya ba ni Tuguegarao City Mayor Ting-Que ay ipinagutos rin ni Santiago City Mayor Alyssa Sheena Tan-Dy, Isabela police director Col. Julio Go at Santiago city police director
Col. Tirso Manoli na baklasin na ang mga illegal na aktibidad? Lamang, nagkukulang naman sa aksyon si BGen. Rumbaoa at kanyang mga opisyal na ipatigil rin ang sugalan sa bayan ng Diffun, Quirino province at sa bayan ng Solano, Nueva Vizcaya. Ang patuloy bang sugalan sa Diffun, Quirino ay hindi rin batid ni Quirino police chief Major Juanito Balite Jr.?

Gayun din bang nagbubulagbulagan ang otoridad sa color games at salisi na malapit pa mismo sa barangay hall sa likod ng palengke ng Solano, Nueva Vizcaya? Sa kabila ng pagsaludo ng mamamayan sa pagsawata sa ilang “sugalang-lupa” kung tawagin sa Cagayan Valley, palaisipan din kung bakit iilan lamang ang ipinasara, samantalang laganap sa bawat probinsya ng rehiyon ang mga kahalintulad na mga iligal na sugal gaya ng “bookish” ng Small Town Lottery at “Perya ng
Bayan” na matagal nang pinatigil dapat ng Philippine Charity Sweepstakes Office

(PCSO).

Amianan Balita Ngayon