Negosyante, sugatan matapos pagbarilin

Sugatan ang negosyante matapos pagbabarilin bandang 7:20pm ng Agosto 13, 2018 sa Purok 11 Phase 2 Ciudad Grande, Bakakeng Sur, Baguio City.
Kinilala ang biktimang si Dexter Balancio De Guzman, 42, negosyante at residente ng nasabing lugar ng pinangyarihan habang ang suspek o mga suspek ay hindi pa nakikilala.
Sa imbestigasyon, matapos buksan ni Melody Tatel, 22, kasambahay ng biktima, ang gate ay lumabas mula sa Toyota GL Grandia ang biktima nang biglang marinig ni Tatel ang tatlong sunod-sunod ng putok ng baril at nakita nito ang biktimang napaupo sa harap ng sasakyan kung kaya humingi siya ng tulong.
Dinala ang biktima sa Baguio General Hospital ni Gerald Del Monte Austria, carwash attendant, na malapit sa pinangyarihan ng insidente. Nagtamo ang biktima ng multiple gunshot wounds at kasalukuyang sumasailalim sa surgical operation ng nasabing ospital. Hinalughog ng mga tauhan ng PS10, CMFC at MPU ang lugar at kalapit na lugar para sa posibleng pagkaaresto ng suspek o mga suspek subalit nabigo ang mga ito.
Ang crime scene ay iprinoseso ng mga tauhan ng SOCO-Baguio City Crime Laboratory sa pangunguna ni PCI Angeline Amangan. Sa karagdagan, hindi pa malaman ang motibo sa pangyayari. Ang kaso ay nasa follow-up investigation.

Amianan Balita Ngayon