“P1B NAIS UTANGIN NG NUEVA VIZCAYA, NGAYO’Y KONTROBERSIYA”

Malaking kontrobersiya at umaani ng batikos ang ninanais ng provincial government ng Nueva Vizcaya na pangungutang ng P1 bilyon mula sa Philippine National Bank. Kinukwestiyon ng
minorya sa Sangguniang Panlalawigan si Governor Jose V. Gambito sa inisyatibong ito dahil sadyang mas mabigat umano ang sakunang idudulot ng pangungutang ng ganoong kalaking salapi kaysa benepisyo sa mamamayan, lalo na ang higit na nakararaming magsasaka sa probinsya.

Pangunahing salik sa pangungutang ng salapi, ayon sa minorya’y, magbebenepisyo ba ito o lalong malalagay sa alanganing ang higit ng nakararaming mamamayan. Ani ni SP Member Eduardo “Edu” Balgos, ang tanging kailangan at ninanais ng mga magsasaka sa Nueva Vizcaya ay direktang
ayuda gaya ng karagdagang kapital upang maalpalsan nila ang dagok ni bagyong “Goring” at ang mapinsalang African Swine Fever (ASF).

Dalawang beses nang idineklara ng Nueva Vizcaya ang “state of calamity” dahil sa pinsala ng “Goring” at ASF. Karagdagang pasanin pa ang matinding kompetisyon ng local na produktong
agricultural at hindi mapatidpatid na importasyon. Ayon sa plano ni Gov. Gambito, 95 porsyento ng P1B PNB loan ay inilalaan sa proyektong imprastraktura at hindi ayuda sa magsasaka.

Kahit karamihan sa mga pinaglaanang infrastructure projects ay “farm-to-market roads”, ang kagyat na pangarap ng mga magsasaka’y ayudang pangkabuhayan. Uubra pa ba ang rason ni Gov. Gambito na papasiglahin ng mga itatayong proyektong pang-imprastraktura ang ekonomiya ng Nueva Vizcaya at sa kalauna’y ang kabuhayan ng mga Nueva Vizcayano? Ang P1B PNB loan ay
utang, at hindi “grant”. Dahil utang ito, obligasyon ng mga Nueva Vizcayano na bayaran ang interes at principal nito sa takdang panahon.

Gaya rin ba ng ibang LGUs na gagamitin ang Internal Revenue Allotment (IRA) ng Nueva Vizcaya bilang “security” sa P1B PNB loan? Nakikinita ba kaya ni Gov. Gambito ang kahalintulad na
karanasan ng mga opisyal ng Tabuk City, Kalinga noong nakaraang taon nang isakdal sila ng graft dahil sa P1.98B loan sa DBP na inilaan sa mga proyektong imprastraktura? Ano ba ang nasa kongkretong imprastraktura upang mas kumikiling sa pagtatayo ng mga ito kaysa sa mga proyekto at programang pundamental na makakapagpabago sa abang kalagayan ng mga magsasaka?

 

ALL FOR A PIECE OF LAND

SNEAK

Amianan Balita Ngayon