P2.9-M marijuana, nasamsam sa 3 transporter sa Tarlac at Ifugao

LUNGSOD NG BAGUIO – Arestado and tatlong katao matapos mahulihan ng mga ladrilyo ng tuyong marijuana na nagkakahalaga ng PHP2.9 milyon sa probinsiya ng Tarlac at Ifugao, ayon sa ulat noong Martes.

Ayon kay Philippine Drug Enforcement Agency-Cordillera Administrative Region (PDEACAR) information officer Rosel Sarmiento, 16 laryo ng marijuana at apat na nasa tubular form at nagkakahalaga ng PHP2.5 milyon ang nasamsam kina Christian Quintos and Paul Andrei Galvez, kapwa edad 21 anyos, at taga Bulacan.

Ang dalawa umano ay lulan ng bus mula Banaue papuntang Metro Manila, na naharang sa checkpoint ng Poblacion East, sa bayan ng Lamut, Ifugao noong Lunes, Setyembre 16.

Sinabi ni Sarmiento na natanggap ng kanilang tanggapan ang impormasyon mula sa isang concerned citizen na nagudyok sa kanila upang mag-set up ng checkpoint ng pinaghugpong operatiba ng PDEA-Ifugao, PDEA-Mountain Province, Ifugao Provincial Drug Enforcement Unit, Regional Mobile Force Battalion, at ng Banaue, Lamut at Bontoc municipal police.

Arestado naman ng mga awtoridad sa isang follow-up operation sa probinsiya ng Tarlac ang 21 anyos na si Jerico Floralde noong Setyembre 14. Nasamsam kay Floralde ang apat na laryo ng mga tuyong dahon ng marijuana na may bigat na apat na kilo at nagkakahalaga ng PHP480,000.

Sinabi ni Sarmiento na ang nasabing operasyon ay isinagawa kasunod ng pagka-aresto sa 14 katao na lulan ng van sa haba ng Bontoc-Kalinga road sa Mountain Province.

“The entrapment of these individuals transporting marijuana from Kalinga passing via Bontoc- Kalinga road or Banaue-Bontoc road are becoming successful due to strengthened trust through partnership and good sharing of intelligence information among law enforcement units and agencies in the area of responsibility,” ani Sarmiento.

Nauna nang sinabi ni Sarmiento na ang modus operandi ng mga nagtitinda ng marijuana sa Metro Manila ay lumipat sa pagsasamantala sa mga kabataan na nagpapanggap na turista at magbitbit ng marijuana sa kanilang pag-uwi.

PNA/Merriam del Rosario-ABN

Amianan Balita Ngayon