P400M PARKING BUILDING ITATAYO SA DATING FIRE DEPARTMENT

BAGUIO CITY – Nakatakdang simulan ng pamahalaang lungsod ang pagtatayo ng multi-level parking building na nagkakahalaga ng P400 milyon sa dating lokasyon ng Baguio City Fire Department, na malapit
lamang sa city hall, ng lungsod ng Baguio. Sinabi ni City Administrator Engr. Bonifacio Dela Peña na tinatapos na nila ang plano para sa itatayong parking building sa lugar na magiging magandang lugar para
iparada ng publiko ang kanilang mga sasakyan kung saan hindi na nila kailangang iwanan ang kanilang mga sasakyan sa city hall at ibang lugar malapit sa palengke na nagdudulot ng pagsikip ng trapiko sa lungsod.

Aniya, ang naturang lugar ay kinokonsiderang ideal location para sa mga parking space sa lungsod dahil malapit ito sa central business district . Noong Setyembre 28, nagsimulang lumipat ang kagawaran ng bumbero sa kanilang bagong tanggapan sa Purok 11, Apugan, Barangay Irisan, upang bigyang-daan
ang proyekto ng lungsod.

Malaking bentahe ang dating lokasyon ng kagawaran ng bumbero para sa kanilang mabilis na pagresponde sa mga insidente ng sunog sa loob ng pitong minuto dahil sa kanilang heyograpikong lokasyon na mabilis maabot ang anumang lugar. Ayon kay Fire Marshall Supt. Nestor Gorio, very
advantageous ang lugar dahil nasa central business area ito.

Sa kabila ng bagong lokasyon, tiniyak ng kagawaran ng bumbero na patuloy nilang gagampanan ang kanilang mga responsibilidad at pananatilihin ang kanilang kahusayan at agarang pagtugon sa mga
insidente. Tiniyak naman ni Dela Peña na magbibigay ng allotment ang pamahalaang lungsod para sa
mga fire truck sa bagong parking area, upang mabilis silang makaresponde sakaling magkaroon ng sunog.

Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon