Pagluluwas ng bigas sa Ilocos Norte, ipagbabawal

LUNGSOD NG LAOAG – Nagkaisang inaprubahan ng mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ang ordinansang pagbabawal sa paghahatid, pag-aalis o anumang katulad na gawain ng paglilipat ng bigas palabas ng lalawigan.
Sinabi ni Ex-officio Board Member Domingo Ambrocio, chairperson ng Committee on Agriculture, na ang ordinansa ay upang masiguro ang suplay ng bigas ng probinsiya matapos manalasa ang bagyong Ompong at nasalanta ang umaabot na P1.8 bilyong palayan.
Idinagdag ni Ambrocio na upang maiwasan ang kakulangan sa bigas at pabago-bagong presyo, kailangang gamitin ng pamahalaang panlalawigan ang police power upang masiguro na ang mga palay na inaani at mga stocks ay nasa loob lamang ng probinsiya sa ilalim ng rice procurement program upang benepisyuhan ang mga farmer-producers at consumers.
“The anti-rice shortage ordinance shall take effect immediately within 120 days after each calamity, such as a signal no. 3 typhoon or a 6.0-magnitude earthquake,” aniya.
Ang sinumang lalabag sa nasabing ordinansa ay aatasang ibalik ang mga produktong bigas sa warehouse o tindahan at sa sarili nitong gastos, dagdag niya. L. ADRIANO, PNA / ABN

Amianan Balita Ngayon