BAUANG, LA UNION – Mahigpit na ipinagbawal ng Bauang Tourism Council ang pagkakalat sa mga baybayin ng Bauang.
Sa isinagawang monthly meeting ng BTC ay tinutukan ng mga opisyal at miyembro nito ang problema sa mga kalat at basura na iniiwan o itinatapon ng mga bisita at residente sa dalampasigan ng Bauang.
Pinangunahan nina Vice Chairman Internal Albert Dy at Vice Chairman External Peter Paul Nang ang ginanap na pulong noong February 15, 2017 sa Farmer’s Hall, Bauang, La Union na dinaluhan ng mga opisyal at miyembro ng BTC kasama ang mahigit na 25 owners at representatives ng mga beach resort at hotel establishment, barangay officials, Municipal Environment and Natural Resources Office, Licensing at Myrna Romero na kumatawan sa Office of the Mayor.
Ayon kay MENRO representative Wilfredo D. Costales, kinontrata ni Baccuit Norte Barangay Chairman Artemio Yadao ang kanilang tanggapan noong nakaraang taon upang magkolekta ng basura.
“Bagamat wala siya [Yadao] ngayon dito sa pulong natin ay sila ang kumontrata sa collection ng basura pero kami ang disposal trash ng beaches sa rotation ng summer sport fest. We collect, bring our truck in early morning then afternoon,” aniya.
Sinang-ayunan naman ito ni Marissa Gualberto ng Priscillas Beach Resort, “regarding sa cleanliness ay in fairness naman sa barangay captain namin na taga-Baccuit, ginagawa naman niya ang lahat.”
Ngunit, ani Gualberto, sa dami ng workload na sakop ng naturang kapitan kabilang na ang security at cleanliness ay hindi na nito makayanan nang walang tulong “so sina-suggest namin na sana magtulungan ang bawat representative sa barangay.”
“Wala naman kami problema sa disposal ng pangungulekta ng basura kundi yung mga kalat lang talaga sa dalampasigan dahil kung minsan mismo tayo ang nagkakalat sa lugar natin,” aniya.
Sinabi naman ni Nang, “wala naman kami sinasabi na walang nagtatrabaho o walang gumagalaw. Ang sinabi lang namin ay natambakan lang dahil sa sobrang dami ng bisita natin.”
“May mga nag-volunteer din na halos binigay nila ang 100% na talagang nagtrabaho sila lahat, hindi lang talaga nakayanan. Kaya ang suggestion ko ay humihingi kami ng tulong sa barangay na sa bawat barangay ay magbigay ng magbo-volunteer na tumulong naman po,” paliwanag ni Nang.
Iminungkahi naman ni Dy na kailangan na muling magpaalala sa mga residente at bisita tungkol sa anti-littering ordinance ng lokal na pamahalaan “para ma-educate ang bawat isa sa atin at ito rin ang maaari nating sabihin sa mga bisita na may pinaiiral tayong ordinansa na may violation na bawal ang pagkakalat ng basura.”
“Tayo na rin ang magpapaalala sa mga bisita dahil baka hindi nila alam at may bigla na lang manghuli sa kanila para multahan e mahirap din yun,” ani Dy.
Kaya pinapaalalahanan ang mga beach resorts na magkaroon ng signboards para sa mahigpit na pagbabawal ng pagkakalat ng basura lalo na sa pagsasagawa ng Hong Kong Yacht Race, Summer Sports Fest at Pagwanawanan Festival 2017 na inaasahang dadagsain ng local at foreign tourists. ABN
February 25, 2017
February 25, 2017
November 30, 2024
November 30, 2024
November 30, 2024
November 30, 2024
November 30, 2024
November 30, 2024