Pangangalaga at pagsasa-ayos sa lungsod – kung hindi ngayon, kalian pa?

Ano ang magiging hitsura ng ating mga lungsod sa taong 2050? Sa prediksiyon ni Dr. Regina Mapua Lim, associate lecturer ng Joint Center for Urban Design sa Oxford Brookes University, halos tatlong ikaapat ng populasyon ng mundo ay maninirahan sa mga lungsod (urban areas) sa taong 2050. Sinabi niya na dapat muling isipin ng mga arkitekto, designers at mga inhenyero kung sa paanong paraan itatayo ang mga lungsod.

Kailangan daw lumikha sila ng sustainable communities upang maiwasang mapatindi ang kasalukuyang mga problema ng mga lungsod.

Sa taong 2050, nasa 9.7 bilyon tao ang mabubuhay sa mundo, ayon sa bagong ulat sa populasyon ng United Nations na tinutukoy din ang Pilipinas, Bangladesh at Nepal na nakikitang pinakamalaking pagdagsa na resulta ng pangangailangan (demand) sa migrant workers, na nag-aambag sa pagpalit ng populasyon sa mga tukoy na rehiyon.

Ayon sa “The World Population Prospects 2019: Highlights” tinatayang sa susunod na 30 taon ay makikitang lalago ang populasyon ng mundo sa dalawang bilyon mula sa kasalukuyang 7.7 bilyon, at sa katapusan ng siglo kailangang pasanin ng planeta ang nasa 11 bilyon na tao.

Dito sa Pilipinas, ayon sa pag-aaral, ang napakabilis at walang humpay na pag-ulad ng mga lungsod ay itinuturing na isa sa pinakaimportanteng panukat na kakikitaan ng proseso ng pag-unlad ng isang bansa. Noong 1950s, higit limang milyon o nasa 27% ng mga Pilipino ay naninirahan sa mga lungsod. Sa pagsisimula ng mga taon ng 1990, ang urban proportion ng bansa ay umakyat sa mahigit 29 milyon o halos 49% ng populasyon ng bansa.

Lalong tumaas ito sa mahigit 53 milyon o higit 60% ng populasyon noong 2005. Tinatayang nasa 117 milyon o 84% ng mga Pilipino ay maninirahan sa mga lungsod sa taong 2050.

Bilang summer capital ng Pilipinas, tinatamasa ng Lungsod ng Baguio ang pagiging tanyag sa ekonomiya, politikal, at social sa loob ng mahigit isang siglo na. Kumpara sa populasyon na 489 noong 1903, ang lungsod ngayon ay tahanan na ng 345,366 tao ayon sa pinakahuling census noong 2015.

Ang populasyon ng Baguio ay tumaas mula 84,538 noong 1970 sa 345,366 noong 2015, isang pagtaas ng 260,828 tao. Ang pinakahuling numero ng census ng 2015 ay nagpapakita ng positibong growth rate na 1.54% o pagtaas ng 26,690 tao, mula sa nakaraang populasyon na 318,676 noong 2010. Kung patuloy ang average annual population growth rate na ito, ang populasyon ng Baguio ay dodoble sa loob ng 30 taon.

Isa sa highly urbanized city ang lungsod sa buong bansa at ang pag-unlad at pagkakaroon ng pangunahin at mahalagang mga serbisyong panlungsod at mga pasilidad ay nagpabago sa lungsod sa pagiging pangunahing pang-edukasyon, turista, at sentro ng gobyerno sa rehiyon. Nitong mga nakaraang taon, hindi lamang naging sentro ng industriya ang lungsod kundi isang sentro ng mga serbisyong pangkalusugan sa hilaga.

Gayunman, ang mabilis na urbanisasyon at paglaki ng populasyon ay pumipinsala sa pag-aaring yaman ng lungsod. Ang pagsisikip dulot ng mabilis na paglaki ng populasyon at di-masupil na paglawak ng lungsod ay gumigipit sa mga kaalwaan (amenities), yaman at likas na kapaligiran.

Lagi nating sinasabi na hindi masama ang pag-unlad, subalit kung sa pag-unlad ay mas malaki naman ang dulot na pinsala ay mas mainam na mag-isip muna tayo. Sinabi ni Dr. Lim na kailangan pangunahan ng mga umuunlad na bansa ang pagtatayo ng mga lungsod na puwedeng tirahan, urban centers na makatuwiran sa lipunan, ekonomiyang praktikal, at hindi makapipinsala sa kapaligiran. Kung mayroon ang lungsod ng ganitong mga katangian ay maaaring magbigay ng sapat na pagkain, tubig, tirahan, seguridad, at paggalaw para sa mamamayan nito.

Ang problema ay karamihan sa mga lungsod (kabilang na ang Baguio) ay nakatutok masyado sa isang kalidad, kalimitan sa pang-ekonomiya lamang. Ang konstruksiyon ng napakaraming espasyo na pang-komersiyo ay magpapalala lamang sa trapiko at polusyon.

Ang disenyo sa lungsod ay hindi lamang kagandahan, kailangan ding isaalang-alang ang lahat ng stakeholders, mga motorista, pedestrians, vendors at iba pa kung magpaplano. Kailangan eksaktong malaman natin kung ano ang mga isyu bilang isang lungsod at gamitin ito bilang pasimula sa pagpapatupad ng mga makabagong solusyon.

Dito sa Baguio ay malakas ang panawagan ng isang moratorium sa pagtatayo ng malalaking gusali na hindi naaksiyunan ng mga nakalipas na namuno. Sa huling pahayag ni Mayor Benjamin Magalong na sa kaniyang pakikipag-usap kay Pangulong Rodrigo Duterte ay hindi daw magtatagal ay maglalabas ng isang Executive Order ang Pangulo ukol sa moratorium sa pagtatayo ng malalaking gusali sa lungsod ng Baguio. Napakahalaga at magandang balita ito kung magkakatotoo na kailangan pa na mismong ang Pangulo ng bansa ang mag-uutos nito.

Ang takdang panahon ay mahaba. Kailangan ng panahon bago makakuha ng sapat na datos at suporta upang maipatupad ang mga posibleng solusyon. Ngunit kailangan nating patuloy na gumalaw. Unti-unti maaari nating baguhin ang Baguio sa isang mas maayos na matitirhan,napapanatiling lungsod. Posible kayang ngayon na?

Amianan Balita Ngayon