PASKO…. TIMBANGAN NG BUHAY?

Pasko na naman….ano bang naganap sa ating buhay mula Pasko 2021? Tiyak marami kayong maalala at di makalimutan sa iyong buhay at sa ating bansa. Ang tanong: masaya ba o malungkot ang Pasko mo? Sa mga nagdaang Pasko sa ating bansa….maraming mga sakuna ang nataon sa
Kapaskuhan. Mga trahedya sa marami nating kababayan. Nariyang binagyo, binaha, nilindol, nasunugan at kung ano-ano pang trahedya sa buhay.

Ayon sa mga matatanda….senyales daw ng pagmamahal ng ating Panginoon ang mga pagsubok
na ito upang lalo tayong tumibay. Marami ang hindi nakakatarok sa puntong ito. May nagsasabi: kung mahal ako ng Poon, bakit ako sinusubukan ng ganito? Bakit niya kinuha ang mga mahal ko
sa buhay? Maraming bakit na mahirap hanapan ng kasagutan. Iisa lang ang tugon: mahal tayo
ng ating Panginoon. Alalahanin nating isinakripisyo Niya ang Bugtong na Anak para sa tubusin ang ating mga kasalanan.

Ginusto Niyang sa napakapait na paraan ang katubusan – ang pagpako kay Hesus sa krus na puwede naman Niyang iligtas kung Kanyang ninais. Pero dahil mahal tayo ng Poon. Hinayaan niyang naganap ito. Tanong: bakit sa mundong ito…sa halip na galangin ang ginawa ng Diyos para tayo ay tumibay….marami ang di naniniwala at nananalig? Ang pagmamahalan, malasakitan, at
paggalang ay hindi na nabibigyan ng puwang? Parang sa ganitong ganap ay lumilikha na tayo ng sarili nating mundo na hindi naayon sa Kanyang Kagustuhan.

Tanong ulit: ito kaya ang dahilan kung bakit tayo ay tinatapik upang makita natin ang tunay na landas? Ang masakit, nababalewala ang kanyang tapik na aakay sana sa atin para sa matatag na bukas. Ibig kayang sabihin na tama ang ating mga eksperto na mas nakararami ang demonyo sa
lupa? Ito kaya ang paraan upang matubos muli tayo sa ating mga pagkakasala? Sabagay, sa praktikal na pananaw….pag ika’y nadapa at matutong bumangon, mas matibay na ang iyong tuhod at mas malakas na ang iyong determinasyon tungo sa matuwid na landas. Kung natuto ka.

Sa buod ng pahiwatig ng ating mga ala-ala hinggil sa Pasko….masasabi nating ito ay naging timbangan ng ating buhay. Hindi sa nilalahat, mas nakararami ang tanggap ito. Sa tuwing sumasapit ang Pasko, tinatanong natin: papano kaya ang Pasko kp? Ng mga mahihirap? Ng mga maalwan sa buhay? Ng mga kapus-palad, ano kaya ang laman ng kanilang mesa at mapagsaluhan? Meron kaya? Ang mga may kaya, ano din kaya ang kanilang pinagsasaluhan? Sinasabi natin sa ating sarili, sana maranasan ko din ang Pasko ng mayaman. Masaya ba sila? Malungkot?

Di natin mawari. Sadyang magkakaiba ang ating buhay at tadhana. Pinakamainam na pagbutihin natin ang ating sariling buhay, magsikap at magtyaga. Patuloy sa paggawa ng kabutihan at manatiling nananalig na may Diyos na lumalang, Gabay sa pag-asang bukas sisikat din ang araw. Sa ngalan ng Daplis at Amianan Balita Ngayun, Maligayang Pasko at Masaganang Bagong taon sa lahat! Adios mi amor, ciao, mabalos.

Amianan Balita Ngayon