San Roque Dam sa Pangasinan walang sira matapos ang lindol

SAN MANUEL, Pangasinan – Siniguro ng pamamahala ng San Roque Power Corporation (SRPC) sa mga Pangasinense na ang San Roque dam ay walang natamong sira sa gitna ng magnitude 7.3 na lindol noong Miyerkoles, Hulyo 27.
Sa isang liham kay Pangasinan Governor Ramon Guico III, sinabi ni SRPC vice president for corporate affairs Tommy Valdez na ang istruktura ay nananatiling malakas at matibay matapos ang lindol.
“Nais po nating ipaalam sa lahat na ang ating San Roque Dam ay nananatiling matatag. Katunayan, sa atin pong visual inspection, wala pong nakita na anumang pagkasira or anumang indikasyon ng pagkasira,” aniya.
Idinagdag niya na minomonitor at sinusuri ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng bayan ng San Manuel ang buong istruktura.
“Huwag po tayong magalala o mabahala at manatiling maingat at makiramdam sa mga pagyanig na maari pang mangyari,” ani Valdez. Samantala, sinabi ng Department of Public Works and Highways Ilocos regional office na walang naiulat na malaking sira sa mga kalsada at tulay, gayundin ang iba pang imprastruktura sa Pangasinan.
Base sa ulat, lahat ng kalsada at tulay ay maaaring madaanan at ang Hector Mendoza Bridge lamang sa bayan ng Alcala ang nagtamo ng sira transverse expansion joint nito ngunit bukas pa rin ito sa trapiko.
Sinabi ni Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office emergency operations center director Ron Castillo na
walang naiulat na namatay at malaking sira sa impastruktura sa probinsiya.
“There were very, very small few cracks in the provincial capitol building but it is minor and aside from that, there were no other reported damage,” aniya sa isang panayam.
(HA-PNA Ilocos/PMCJr.-ABN)

Amianan Balita Ngayon