Separation Anxiety tuwing pasukan, nananatili pa rin sa mga estudyante

LUNGSOD NG BAGUIO – Karaniwang eksena sa unang araw ng klase ang mga batang ayaw magpaiwan sa mga magulang, o ang tinatawag na Separation Anxiety.
Sa pagbukas ng klase sa Rizal Elementary School nitong pasukan, sinabi ni Kindergarten adviser Julia Saguid na may ilang mag-aaral na umiyak sa unang araw nila sa paaralan.
Karaniwan diumano ay umaabot ng isang linggo ang ganitong tagpo o bago mawala ang takot ng batang pumapasok sa eskwelahan.
Gayunpaman aniya, mayroong paraan para mawala ito agad, kinakailangan lamang lubagin ang bata.
“Ang ginagawa lang namin, for the first time kung ayaw nilang pumasok wag pilitin. Pwedeng ang parents ang mag-encourage po sa kanila. Pwede rin naming gawin yun pero with the support of the parents,” ani Saguid.
Mas marami pa rin daw ang mga batang sabik at magiliw sa kanilang unang uraw ng klase. Mas gusto rin nila na pumasok dahil marami daw silang nakakahalubilong mga bata o kalaro.
Aminado ang guro na malaki ang tungkulin ng kagaya niyang guro sa problema ng separation anxiety. Aniya, kailangan nito ang mahabang pasensya at pagmamahal sa napiling propesyon.
Paalala rin ng mga magulang na maiging magkaroon ng reward system ang mga ito sa kanilang mga anak bilang epektibong paraan para ganahang pumasok ang mga bata.
 
Charisse Anne Miranda, UC Intern/ABN

Amianan Balita Ngayon