Solusyong medikal, hindi militaristang lockdown! Kalusugan, kabuhayan, karapatan, ipaglaban!

Ito ang mga panawagan nating mga manggagawa sampu ng iba pang pinagsasamantalahang sektor ngayong Pandaigdigang Araw ng Paggawa at ika-40 anibersaryo ng pagkakatatag ng Kilusang Mayo Uno na bukodtanging tagapamandila ng tunay, palaban, militante, anti-imperyalista, at makabayang unyonismo sa Pilipinas.
Bago pa man ang pandemya ng Covid-19, apat na dekada nang ipinaglalaban ng KMU ang makatwirang sahod, seguridad sa trabaho, pabahay at maayos na serbisyong pangkalusugan para sa bawat pamilya. Sa halip na tugunan ng gobyerno ang mga isyung kinakaharap ng mga manggagawa at mamamayan gaya ng kalusugan, inuna niya ang kanyang proyektong Build, Build, Build.
Kalakhan ng badyet ay napunta sa mga ito, maliban pa sa pambayad utang at intellince funds para supilin ang mga manggagawa at mamamayang nagpapanawagan ng pagbabago laban sa korupsyon at pasismo ng estado.
Muli nating ipapaalala sa lahat ng mamamayan na ang Pandaigdigang Araw ng Paggawa ay iniluwal ng samasamang pagkilos ng mga manggagawa para sa walongoras na trabaho at makatarungang sahod noong 1886. Samakatwid, ito ay hindi simpleng kapistahan at
bakasyon kundi isang paalala na lahat ng tinatamasang karapatan at benepisyo ng mga manggagawa ay dumaan sa mga kilos protesta 134 taon na ang nakalilipas at hindi kusang ibinigay ng mga kapitalista.
Sa ganitong katotohanan na ipinapakita ng kasaysayan, nararapat lamang na ipagpatuloy natin ang pagprotesta sa mga antimamamayan at makadayuhang polisiya ng Rehimeng Duterte kahit pa sa gitna ng pandemya.
Nakapasok ang Covid19 sa bansa dahil sa kapabayaan ni Duterte Matatandaan natin na Enero pa lang ay nanawagan na ang mamamayan na magpatupad ng travel ban si Duterte upang hindi na makapasok sa bansa ang virus.
Sa halip na makinig, mas inalala pa ni Duterte at ng Department of Health ang interes ang China. Dahil dito ay nakapasok ang Covid-19 sa ating bansa. Imbes na solusyong medikal gaya ng mass testing at pagpapatayo ng mga healthcare facilities, minobilisa ni Duterte ang PNP at AFP para siguruhing maipapatupad nito ang lockdown na kalaunay pinaganda ang pangalan at tinawag na Enhance Community Quarantine dahil umani ito ng matinding batikos sa social media.
Sa gitna ng patuloy na pagkalat ng virus, nakuha pa ni Duterte na humngi ng Special Powers sa halip na ibalik ang pera sa Calamity Funds at i-rechannel ang ibang pondo para madagdagan ang ating kapasidad para tukuyin at gamutin ang mga may sakit.
Matatandaan nating humingi si Duterte ng P275 bilyong pondo subalit hanggang ngayon ay maliit na pursiyento pa lang ng nasabing pera ang naipapamahagi mahigit isang buwan na mula ng pirmahan ang Republic Act 11469, o ang Bayanihan to Heal as One Act.
Nasaan na ang ayuda? Kagaya ng iba pang lugar sa Luzon, dito sa Cordillera, kitang-kita ang kawalang pagpapahalaga ni Duterte dahil tali ang kanyang mga kamay sa dikta ng mga kapitalista. Ang mga manggagawa ay patuloy pa rin na pinagtratrabaho kahit may matinding banta sa kalusugan.
Sa halip na magpatupad ng Paid Quarantine Leave, ipinatupad pa rin ng mga pagawaan gaya ng Texas Instruments, minahan gaya ng Philex, at Business Process Outsourcing gaya ng SITEL at Teleperformance ang No Work No Pay Policy.
Samantalang naka-skeletal workforce naman ang mga fastfood, communication, electricity, at water districts. Gayun pa man, mas takot ang mga manggagawa na magutom ang kanilang pamilya kaya napipilitan pa rin silang pumasok. Sa ganitong kalagayan, kitang-kita na walang pangil ang Department of Labor and Employment pagdating sa mga dambuhalang dayuhang kapitalista subalit bingi sa hinaing ng mga manggagawa.
Maging ang COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP) na ipinagmamalaki ng DOLE ay hindi kayang tugunan ang pangangailangan ng lahat ng aktibong manggagawa at mga nawalan ng trabaho bago at sa kalagitnaan ng ECQ dahil sa napakaraming rekisitos para masabing eligible ang isang aplikante.
Ayon sa datos ng DOLE-CAR, 1,213 na manggagawa mula sa 98 na pribadong establisimyento sa formal sector sa Cordillera ang makakatanggap ng P5,000 na ayuda sa pamamagitan ng Camp.
Ang numerong ito ay sadyang napakaliit kung idadagdag natin sa listahan ang mga mga semi-conductor at BPO na mayroong libo-libong manggagawa sa Baguio City pa lang.
Ang mga malamanggagawa naman; kabilang ang mga sidewalk vendors, nangagalakal, tsuper, at iba pa ay hindi rin maayos na nakakatanggap ng ayuda dahil sa mahigpit na rekisitos ng DSWD para sa Social Amelioration Program. Sa kabila ng kawalan ng ayuda, patuloy na sinusupil ang mga lumalabas para maghanapbuhay.
Maaalala nating binantaan ng alkalde ng Baguio na aaresuhin niya ang mga tsuper ng taxi na makikitang pumapasada na kalaunay binawi rin dahil umalma ang mga mamamayan. Ganun pa man, hindi lahat ng tsuper ay pinapayagang pumasada sa kabila ng pagbawi.
Ayon sa datos ng DSWD noong April 10, nasa 305,000 pamilya mula sa 75 na munisipalidad at dalawang siyudad sa Cordillera ang makakatanggap ng SAP mula sa P540 milyong SAP proposals. Sa kabilang banda, 4,509 pamilya pa lang ang nakakatanggap; P24.6 milyon o 4.56% pa lang ang naipamimigay ayon sa datos ng DSWD noong April 14.
Sa kabila ng pahayag ng Palasyo hinggil sa “flattening the curve” at transisyon mula ECQ patungon General Community Quarantine, may nakaambang panganib para sa mga manggagawang magbabalik sa trabaho at maging sa kanilang mga pamilya. Dahil hindi pa rin nagpapatupad ang DOH ng totoong mass testing ay hindi pa rin natin masisiguro ang kaligtasan ng mga manggagawa at mamamayan.
Naniniwala ang KMU Cordillera Chapter na magtatagumpay lamang tayo laban sa Covid-19 kung may lubos na suporta para sa mamamayan habang nakaquarantine katulad ng garantiyang kita, suplay na pagkain, libreng testing at paggagamot, karapatan at kagalingan.
Obligasyon nating kalampagin si Duterte upang mahusay niyang tugunan ang kagyat na pangangailangan ng mamamayan at ang matagal nang hinihingi ng mga manggagawang nakabubuhay na sahod, disenteng trabaho, at pagtaguyod ng karapatang pantao.
Sugpuin ang Covid-19! Kumilos sa Mayo Uno! #RedLaborDay2020
Mike Cabangon
 

Amianan Balita Ngayon