Standard design ng mga business stalls itatakda ng lungsod

LUNGSOD NG BAGUIO – Magtatakda ang lungsod ng isang standard leveled up design para sa mga busimess stalls sa kahabaan ng highways at barangay roads na maguumpisa sa taong 2020.
Sinabi ni Mayor Benjamin Magalong na ito ay “upang itaas ang standard ng ating business establishments ukol sa kalinisan, sanitasyon, angkop na floor plans at kagandahan tungo sa pagsusulong ng lungsod sa isang malusog at ligtas na Baguio.”
Sinabi niya na ang disenyo ay dapat naaayon sa reputasyon ng lungsod bilang “Highly Urbanized City, Creative City ng UESCO, Summer Capital ng Pilipinas, at Educational Center of the North at isang tourist destination.”
Sakop nito ang eateries, maliliit na talipapa, fruit and vegetable stands na nasa mga lote ng gobyerno sa Marcos Highway at iba pang highways, Gov. Pack Road, Engineers’ Hill, Camp 7, at iba pa.
Ang disenyo ay ginawa ng City Building and Architecture Office (CBAO) bilang gabay para sa mga negosyante. Inatasan ng mayor ang mga apektadong may-ari ng negosyo na magsumite sa CBAO ng isang building plan na sumusunod sa prototype design at floor plan na naaayon sa uri ng kanilang negosyo para sa approval ng CBAO.
Ang mga nasa pribadong lote ay sinabihang magsumite ng kanilang mga plano na naaayon sa linya ng kanilang negosyo para sa pagsusuri at approval ng CBAO. “New business permit applications and renewal of business permits for the year 2020 will be subjected to the above-set standards. No business permit shall be issued to non-compliant business establishments,” babala niya.
Sa direktiba ay kailangan panatilihin din ng mga establisimiyento ang sanitation standards at kaayusan sa kanilang lugar sa lahat ng panahon.
 
APR-PIO/PMCJr.-ABN
 

Amianan Balita Ngayon